2016 PBA D-League Draft gaganapin ngayon

HINDI na mapipigilan ang AMA Online Education na kunin ang La Salle King Archer na si Jeron Teng bilang top pick sa isasagawa ngayon na 2016 PBA D-League Draft sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig City.

Ito ay kahit na may posibleng umagaw sa karangalang maging pinakamahusay na talento mula sa ilang nagsumite ng aplikasyon na makapagpapabago sa desisyon ng Titans sa 128-man pool dahil sa nakakaintrigang kredensiyal na magpapabago sa direksyon ng draft na gaganapin alas-11 ng umaga.

Isa na rito ang ASEAN Basketball League (ABL) veteran na si Fil-American Jason Brickman na posible rin maging pangunahing kandidato na unang mapili kung magbabago ang isipan ng AMA habang hindi nalalayo ang isa pang nagpakitang gilas sa nakaraang basketball season na si Monbert Arong ng Far Eastern University, Jom Sollano ng Letran at Mac Tallo sa Southwestern University.

Inaasahan din na magiging masaya ang Tanduay na siyang sunod na pipili sa mga talento habang ikatlo ang Racal.

Sunod na pipili ang Café France ng mga bago nitong manlalaro mula sa miyembro sa Centro Escolar University sa unang tatlong rounds bago bigyang permiso na pumili ng kanilang selection mula sa rookie pool.

Ang Wangs Basketball ang pipili na ikalima.

Bago ang draft selection, magsasagawa muna ng lottery sa mga baguhang koponan sa liga
upang madetermina ang kanilang placing sa draft order.

Ang school-based na Cignal-San Beda, Jose Rizal University at Manuel L. Quezon University ay una munang kukuha ng kanilang varsity players bago palakasin ang komposisyon sa pagkuha ng mga manlalaro sa pool, habang ang Province of Batangas ay nagpasya na piliin ang kanilang purong Batangueño lineup mula sa mga aplikante.

Ang ika-10 koponan na Blustar Malaysia ay hindi kasali sa draft dahil sa estado nito bilang guest team.
Ang mga rookies na mapipili ay inaasahang masasabak sa aksyon sa kani-kanilang koponan sa bagong season na magpapasimula sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Enero 19, 2017.

Read more...