TREINTA’Y otso anyos na ngayon ang Pambansang Kamao. Tumanda man ang boksingero ay meron naman siyang pinagkatandaan. Kilalang-kilala siya sa buong mundo, pinayaman siya ng pakikipagsalpukan sa ring, at isa na siyang mambabatas ngayon.
Kung babalikan namin ang mga kuwento ni Pacman nu’ng mga panahong hindi pa siya ganyan katagumpay bilang boksingero ay parang panaginip lang ang lahat ng mga naganap sa kanyang buhay at karera.
Hindi siya nakalilimot sa kanyang nakaraan, napakapayak pa rin ng istilo ng kanyang pamumuhay, naaalala pa rin niya ang mga taong nakakasama niya nu’n sa pangangarap.
“Ang tinola ko nu’n, malunggay at papaya lang ang sangkap. Kapag nanalo ako sa laban, saka lang nagkakaroon ng manok. ‘Yung malunggay lang naman ang kailangan ko,” kuwento ni Senador Manny Pacquiao.
Bukod sa pamatay niyang kamao ay meron siyang nakikitang dahilan kung bakit siya pinagkalooban ng tagumpay, misyon ang tingin niya sa lahat, may mahalagang responsibilidad siyang dapat gampanan para sa ating mga kababayan.
“May reason ito, marami akong dapat gampanan, hindi para sa akin lang ang lahat ng mga biyayang tinatanggap ko. Mas marami akong dapat tulungan, hindi para sa akin lang ang tagumpay, maraming kababayan nating dapat makinabang sa kung anumang meron ako,” diretsong pananaw ni Pacman.
Kapala-palakpak na si Pacman sa ring, pero mas kapuri-puri siya bilang tao, kaya naman patuloy siyang nagtatagumpay.