Bato: Patawarin nyo kami, pero pagpatay magpapatuloy

Bato-620x413

HUMINGI ng tawad si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga isinasagawang pagpatay ng mga pulis, bagamat sinabing magpapatuloy ito sa harap ng kampanya ng administrasyon kontra droga.
“I would like to ask everyone, ang hinihingi kong gift sa iyo ay pagdasal niyo kami, ang inyong mahal sa buhay, ang inyong kapulisan, na sana patawarin kami ni Lord dahil dito sa mga namamatay sa war on drugs,” sabi ni dela Rosa sa isinagawang Christmas party ng mga opisyal ng pulis at kani-kanilang pamilya sa Camp Crame.
Ito’y matapos umabot na sa mahigit 6,000 ang napapatay sa isinasagawang kampanya ng gobyerno kontra droga.
“Hindi namin inaamin na sa amin ‘yung (mysterious killings). Trabaho namin ‘yon but because namamatay sila as a consequence sa aming war on drugs, either sinakyan, sumabay sa aming drug war, but still buhay pa rin ‘yon, namatay pa rin ‘yon,” giit ni dela Rosa.
Idinagdag pa ni dela Rosa na ayaw rin ni Pangulong Duterte na namamatay ang mga Pinoy.
Iginiit naman ni dela Rosa na hindi matitigil ang mga pagpatay sa patuloy na operasyon kontra droga.

“Prangkahan tayo. While I am begging for forgiveness for what is happening right now, I am also begging your indulgence to please understand if the killings will continue, but we will not stop our war on drugs,” ayon pa kay dela Rosa.
“Andyan na tayo. Kung merong mamamatay dyan, pasensya na po dahil hindi kami humihinto sa aming trabaho,” sabi pa ni dela Rosa.
Binanggit ni dela Rosa ang direktiba ni Duterte sa mga pulis kung saan sinabi nito na ihihinto lamang ang operasyon kung tapos na ang problema sa droga.
“Hangga’t nandyan ‘yung problema, we will continue confronting that problem. Hindi po mahihinto ito. We cannot guarantee you na walang mamamatay dahil in every action, there is a corresponding reaction,” sabi pa ni dela Rosa.
Niliwanag ni dela Rosa na sa kabuuang 2,886 mga pagpatay na iniimbestigahan, 1,000 lamang ang may kaugnayan sa droga.

“Meaning, maraming nakisakay sa ating war on drugs, maraming sumabay. ‘Yan dapat ang ma-address natin and we are working on that,” ayon pa kay dela Rosa. Inquirer.net

Read more...