Suki ng Alaska Aces

NAGTATALO kami ng aking broadcast partner na si Benjie Santiago habang hinihimay ang laro sa pagitan ng Alaska Milk at Meralco noong Miyerkules. Ito ay dahil sa may nagsabi na hindi pa nagwawagi ang Bolts kontra sa Aces.

Kasi, sa unang laro ay dinaig ng Blackwater ang NLEX at iyon ang kauna-unahang panalo ng Elite kontra sa Road Warriors sa pitong beses nilang pagkikita. Bale ikatlong season pa lang naman ng dalawang koponang ito sa PBA, e.

So, baka may katotohanan ang lightning strikes twice at puwedeng mangyari iyon noong Miyerkules. Kung hindi pa nga nananalo ang Meralco sa Alaska Milk!

Pero parang hindi nga ako makapaniwala sa ulat na iyon. Kasi nga ay matagal na rin namang miyembro ng PBA ang Meralco. Ibig bang sabihin ay hindi tinalo ng Bolts ang Aces noong sila ay nasa ilalim pa ni coach Paul Ryan Gregorio? O hindi ba nakaisa man lang si coach Norman Black kay coach Alex Compton?

E hindi ba’t nagharap na sila sa semifinals at hindi naman nawalis ng Aces ang Bolts? So kung hindi nawalis, ibig sabihin ay nakaisa man lang ang Meralco.

Well, kinlaro naman ni kasamang Benjie na nasusuki lang ng Alaska ang Meralco pero hindi nangangahulugang nablangko.

Hindi nga lang namin ma-check ang records at itatanong pa namin sa statistician ng liga.

Gayunpaman ay hindi nangyari ang ‘lightning strikes twice!”

Kasi nga ay hindi nagwagi ang Meralco kontra Alaska nang gabing iyon. Muntik na, pero hindi itinadhana.

Biruin mong nagposte ng siyam na puntos na abante ang Bolts kotnra Aces, 77-68, sa huling 2:41 ng laro at animo ay kayang-kaya nilang manalo.

Pero biglang pumutok ang Aces na nagsagawa ng 10-0 atake. Ang huling anim na puntos ay galing sa magkasunod na three-point shots nina JVee Casio at RJ Jazul upang lumamang ang Alaska Milk, 78-77.

Pansamantalang nabawi ng Meralco ang kalamangan sa pamamagitan ng drive ng rookie  na si Jonathan Grey. Pero nagmintis siya sa bonus free throw para sa 79-78 score.

At sa sumunod na opensa ng Aces ay si Chris Banchero naman ang tumikada ng three-point shot buhat sa side sa tabi ng Alaska Milk bench upang tuluyang lumamang ang Aces, 81-79.

Puwede sanang makatabla ang Meralco pero nasupalpal naman ni Calvin Abueva ang tira ni Joseph Yeo upang tuluyang yumuko ang Bolts.

Sayang! Nandoon na ang panalo ay nawala  pa. Tuloy ay kakamot-kamot ng ulo si Black nang lapitan at kamayan siya ni Compton. Masakit talaga!

Dahil sa panalo ay tuluyang nalampasan ng Aces ang Bolts sa standings. Iyon ang ikalawang sunod na panalo ng Alaska Milk matapos na matapilok nang dalawang beses.

Mukhang raratsada na naman ang Alaska Milk ah. Magugunitang sa huling dalawang Philippine Cup ay palaging umaabot sa Finals ang Aces subalit natatalo sa San Miguel Beer.

Kaya naman hangad nii Compton na magtuluy-tuloy na sila sa itaas upang makamtan niya ang kanyang kauna-unahang titulo bilang coach sa PBA.

Read more...