BAGO pa man opisyal na nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte kay Prime Minister Hun Sen ng Cambodia, nakipagkita muna ito sa ating mga OFW doon.
Naging bahagi na nga ng bawat pagbisita ng pangulo sa iba’t ibang bansa ang pagdalaw niya sa ating mga Pinoy. Walang kahirap-hirap na naisasaayos ang bawat iskedyul ng mga pagbisitang iyon hindi ‘anya tulad noong nagdaang mga administrasyon na minsan ay talagang ni hindi nga nabisita ng pangulo ang ating mga kababayan sa kabila nang matinding pakiusapan na kahit sumaglit lamang at makipagkita nang personal sa kanila.
Hindi na nga mahalaga noon kung nais nilang mapakinggan man lamang sana sila ng pangulo hinggil sa kanilang mga hinaing.
Hindi iyon naging problema sa Duterte administration. Kaya naman tulad ng ibang mga bansa na napuntahan na ni Digong, laking pasasalamat at tuwa ng bawat Pinoy na nagkaroon ng tsansang makita at makausap siya ng personal.
Bilang ama, madalas niyang paalalahanan ang ating mga OFW na tulungan siya sa pakikipaglaban nito kontra droga, katiwalain at iba pa.
Unang-una na, huwag sanang masasangkot ang ating mga OFW sa paggawa ng ilegal tulad ng pagpupuslit ng droga. Hinding-hindi nga naman maaaring ipakiusap ni PDigong o hingin na lamang bilang pabor sa ibang mga lider ng bansa ang ulo ng bawat Pilipinong mahahatulan ng kamatayan dahil sa droga, dahil personal na laban mismo ng pangulo ang isyung ito. Ayaw rin niyang pagtawanan siya ng mga kapwa niya lider.
Hinimok din niyang isumbong sa kaniya ang bawat katiwalian na kasasangkutan ng sinumang mga kawani ng pamahalaan. Sinabi niyang dapat alamin at ipaglaban ng bawat Pilipino ang kanilang mga karapatan kahit nasa malayong lupain sila.
Kamakailan lamang daan-daang mga empleyado ng gobyerno ang inalis niya sa puwesto, pinag-resign o di kaya’y itinapon sa malayong mga assignment.
Tulad din sa ibang mga bansa kung saan nagkaroon ng state visit ang pangulo, positibo din ang naging pagtanggap ng mga Pinoy sa Cambodia hinggil sa isyu ng paglilinis ng pamahalaan.
Isa pa sa kinagigiliwan ng mga OFWs sa pangulo ang madalas nitong pagpapatawa, huwag na nating banggitin ang kaniyang madalas na pagmumura.
Reaksyon ng ilan, nagagawa ‘anya ng kanilang tatay Digong na pagaanin ang mga pahayag nito sa kabila ng napakabigat na isyu at mga problemang kinakaharap ng bansa.
Para sa ating mga OFW, patuloy naman ‘anya nilang gagawin ang kanilang bahagi upang maka-ambag man lamang sa bagong pamahalaan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali; audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/