DALAWANG Fil-Americans ang nakaharang sa daan ni La Salle Green Archer Jeron Teng bilang top pick.
Ito ay ang Asean Basketball League (ABL) standout na si Jason Brickman at San Beda Red Lions super scorer Davon Potts na siyang mga nangunguna sa mga Fil-foreign players na sasali sa 2016 PBA D-League Draft na gaganapin sa Disyembre 20 sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig City.
Isa sa mga inaabangang manlalaro, matatandaan na tinulungan ni Brickman ang Ariel Vanguardia-mentored na Westports Malaysia Dragons sa 2016 ABL title kasama ang ngayon ay Phoenix Fuel Masters guard na si Matthew Wright.
Si Brickman ay nag-average ng 13.2 puntos, 5.6 rebounds, at 10.7 assists at pinarangalan din bilang Finals Most Valuable Player.
Naglaro rin si Brickman para sa Mighty Sports-Philippines na nagwagi ng gintong medalya sa 2016 Jones Cup.
Isa naman si Potts na hindi maaaring iwanan sa draft kung saan nagtatala rin ito ng averages na 15.2 puntos, 3.6 rebounds, at 1.4 assists sa kanyang unang taon sa Red Lions. Malaki rin ang itinulong nito sa Red Lions para bawiin ang korona sa NCAA Season 92.
Ang San Francisco State swingman na si Robbie Herndon ay magtatangka rin na lumapit sa nais nitong larangan.
Ang 22-anyos na si Herndon ay tinalo si two-time PBA MVP Willie Miller para maghari sa 2016 Red Bull King of the Rock Philippines tournament nakaraang Marso.
Kasali rin sa draft ang Fil-Swede na si Andreas Cahilig. Ang 6-foot-3 forward ay huling naglaro sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology sa NAASCU.
Mayroong kabuuang 15 Fil-foreign players at 113 local cagers na nagsumite ng kanilang aplikasyon sa pagnanais na makuha ng mga koponan.
Ang 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ay sisimulan sa Enero 19.