Mga bobo’t tangang immigration officials

IPINAHIYA nina Associate Immigration Commissioners Al Argosino at Mike Robles hindi lang ang kanilang mga sarili, kundi maging ang kanilang fraternity, dahil sa ginawa nilang pangingikil.

Ang Lex Talionis, isang fraternity ng mga law students ng San Beda College of Law, na kinabibilangan nina Pangulong Digong at Justice Secretary Vit Aguirre, ay nasa spotlight ngayon dahil sa dalawang mokong.

Nakapasok sa Bureau of Immigration sina Argosino at Robles hindi dahil sa kanilang talino kundi dahil sa kanilang pagiging miyembro ng Lex Talionis.

Sa totoo lang, mga bobo’t tanga ang dalawang abogado.

Kung hindi ba naman sila napakabobo at napakatanga, tatanggap ba sila ng suhol sa second floor ng City of Dreams kung saan may CCTV camera bawa’t kanto?

Nakalimutan din nila—dahil sila’y mga tanga—na ang nag-abot sa kanila ng P50 milyon na si Wally Sombero ay isang retired police colonel na magaling noon sa entrapment operations.

Ni-record ni Sombero, na naging messenger ng online gaming operator na si Jack Lam, ang pag-uusap niya kina Argosino at Robles.

Ngayon na nagigipit sila, dinadamay na nila ang ibang tao, gaya ng inyong lingkod, sa kanilang kalokohan.

Diumano, ako’y tumanggap ng P5 milyon upang tumahimik na lang sa kanilang pandarambong.

Kung ako’y tumanggap ng P5 milyon, bakit ko pa isinulat ang istorya sa aking column sa INQUIRER at dito sa Bandera?

Di ba may kasabihan na there’s honor among thieves? Hahaha!

Ang totoo niyan, nakiusap ako kay Sombero na payagan akong mauna sa paglahad ng kanyang istorya sa publiko.

Tinulungan ko kasi si Sombero na mapasailalim siya sa protective custody ng National Bureau of Investigation (NBI) nang sabihin niya sa akin na may “malaking istorya” siyang ilalabas.

Naging interesado ako sa istorya ni Wally dahil ito ang kauna-unahang malaking extortion case na kinasasangkutan ng matataas na opisyal sa Duterte administration.

Isa sa mga pangako ni Pangulong Digong ay alisin ang korapsyon sa gobiyerno.

Ang naging mas interesting ang istorya dahil fraternity brods nina Argosino at Robles sina Digong at Secretary Aguirre.

Sinabi ni Aguirre na he felt “betrayed” by his fraternity brothers, na kanyang nirekomenda sa immigration, dahil sinira nina Argosino at Robles ang kanyang tiwala sa kanila.

Umiyak si Aguirre, ani Sombero, habang nilalahad sa kanya ang blow-by-blow account ng extortion caper ng dalawa.

Isinoli nina Argosino at Robles noong Martes—the same day na lumabas ang pangalawang istorya ng pangongotong sa aking mga column—ang P30 milyon na in-extort nila kay Jack Lam.

Itinago nila ang P20 milyon.

Sinabi nila na ibinigay nila ang halaga kay Charles Calima, intelligence chief ng Bureau of Immigration.

Humingi raw ng kanyang parte si Calima.

Itong si Calima raw ang nagsabi kina Argosino at Robles na siya na ang mag-aabot ng P5 milyon sa inyong lingkod.

Nagsampa ng kasong bribery sina Argosino at Robles laban kina Sombero at Calima sa Paranaque Prosecutor’s Office.

Sinabi nila na itinago nila ang malaking halaga na tinanggap nila noong madaling araw ng Nov. 27 upang gawin itong ebidensiya sa kanilang imbestigasyon sa korapsyon sa gobiyerno.

Talagang mga bobo!

Kahit na isang Grade V pupil ay magtatanong kung bakit matagal—15 days—bago nila nilabas ang kanilang “ebidensiya” at nagsampa ng kaso laban kina Sombero at Calima.

Nasabi ko sa aking panayam sa TV5 News na pinag-iisipan kong sampahan ng reklamong libel sina Argosino at Robles.

Nagbago na ang aking isip dahil ayaw kong patulan ang mga taong bobo at tanga.
Baka mahawa pa ako sa kanilang kabobohan at katangahan.

Read more...