Rampa ng Miss Universe sa Davao kanselado

HINDI na itutuloy ng Department of Tourism (DOT) ang plano nito na magkaroon ng cultural fashion show para sa upcoming Miss Universe pageant sa Davao City matapos umalma ang mga local designers sa naging desisyon ng organizing committee.

Ayon kay Tourism Undersecretary Katherine de Castro, nagdesisyon na siyang ikansela na lang ang nasabing side event na nakatakda sanang gawin sa Enero 19 sa SMX Convention Center sa Davao City “to prevent controversies that may arise from the statement made by local designers of Davao City.”

Ang tinutukoy ni De Castro ay ang pahayag na binitiwan ng Davao Fashion and Design Council, Inc. (DFDCFI), na tila nainsulto umano sila dahil ang ipasusuot sa mga kandidata ay mga disenyo na hindi gawa ng taga-Mindanao.  Kinukuwestyon nila na ang mga disenyo na gawa ng kilalang designer na si Renee Salud ang kukunin para sa nasabing fashion show na sana ay magha-highlight ng Mindanaoan textile.

“Call it proper and befitting, the Mindanaoan designers have all the rights and benefits to best represent the distinctive fashion and style of Mindanao, in the first place,” ayon sa pahayag na inilabas ng DFDCFI.

“DFDCFI will continue to uphold its stand and will use all its resources and capacity to have this issue properly addressed by the Miss Universe committee, at the soonest. Should it not be, this turn of events will continue to become a blunder for local pride of place, where the President himself is coming from,” dagdag pa ng grupo.

Ayon pa sa Davao-based designers, hindi rin umano sila kinonsulta man lang ng mga organizer tungkol sa naging desisyon; at lalo pa umano silang nainsulto nang pumayag ang komite na sila ang magdadamit sa mga modelo.

Sa panayam naman ng TV Patrol, sinabi ni Salud na si Tourism Secretary Wanda Teo ang nag-alok sa kanya na siya ang magdisenyo ng mga damit na isusuot ng mga kandidata.

Ang Miss Universe coronation night ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Enero 30, 2017.

Read more...