PHNOM PEHN, CAMBODIA–KAPWA pinagkaguluhan ng mga miyembro ng Filipino community sina Sen. Manny Pacquiao at Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronal “Bato” dela Rosa matapos silang sumama sa state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cambodia.
Kinailangan pang eskortan si dela Rosa habang papasok ng auditorium ng Sofitel kung saan naghihintay ang mahigit 1,000 mga Pinoy na dumalo sa pagtitipon.
Huli namang pumasok si Sen. Manny Pacquiao kung saan hiyawan ang mga naghihintay sa kanyang pag-akyat sa entablado.
Samantala, sa kanyang talumpati sa harap ng mga miyembro ng Filipino community, sinabi ni Duterte na iniwan si Pacquiao ng mga kaibigan nang siya ay natalo noon sa Mexican boxer na si Juan Marquez.
“He was… ‘yung natalo siya kay Marquez. Tapos birthday niya. Sabi ni Bong (Go), niyaya ka ni Manny. Sabi ko, ngayon Bong magpunta ako. Pakita ko sa kanya na kaibigan mo ako even if you’re down. Ngayon nanalo na naman siya, birthday niya, marami naman nagpuntahan. Pero ako naman kasi ngayon, siyempre Presidente na ako, proud siya, proud rin ako. It’s a mutual admiration,” sabi ni Duterte.
Idinagdag ni Duterte na pinayuhan pa niya si Pacquiao matapos ang pagkatalo kay Marquez noon.
“‘Di naman sa lahat ng panahon, ibigay naman ng Diyos sa’yo. Maybe God also wants you to learn defeat so that you’d, you know… How you’d value the blessings of life,” ayon pa kay Duterte.