TOTOO ba itong kumakalat na bulung-bulungan?
May plano raw na palitan ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang Speaker ng Kamara de Representates si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Ayon sa kuwentuhan sa mga umpukan, hindi lang aalisin si Alvarez bilang speaker kundi pagbibitiwin din siya bilang kongresista.
Bibigyan daw si Alvarez ng graceful exit at bibigyan ng puwesto sa Gabinete. Baka ibabalik siya sa Department of Transportation na hinawakan na niya noong Arroyo administration.
Kung magiging speaker si Arroyo ay marami siyang aasikasuhin sa Kamara dahil maraming panukalang batas na kailangan ang Duterte government upang matupad ang mga pangako ni Pangulong Duterte.
Isa na diyan ang Charter change. Malay n’yo, maging Prime Minister pa si GMA pag nagkataon.
At ano rin kaya ang mangyayari sa panukalang ibalik ang death penalty sa bansa.
Alam ni Duterte na ayaw ni GMA sa death penalty at pinag-usapan na nila ito.
Inutusan na ni Pangulong Duterte itong si Subic Bay Metropolitan Authority chairman Martin Diño na kasuhan na ang mga dapat na kasuhan.
Ang pagkakaalam ko si Duterte na mismo ang nag-utos sa kanya para sampahan ng reklamo ang mga dating opisyal ng SBMA. Kaya takot lang ni Diño kapag hindi siya sumunod.
Pero bukod sa pagsasampa ng kaso sa mga opisyal na sabit sa anomalya ay mukhang may mas malaking laban itong si Diño.
Mukhang may banggaan sina Dino at Atty. Randy Escolango, na dati ng taga-SBMA.
Nalaman ni Diño na itinalagang officer-in charge ng Office of the Administrator itong si Escolango.
At ang nagbigay ng appointment paper kay Escolango ay si Executive Secretary Salvador Medialdea noong Oktubre 19.
Kinuwestyon ito ni Diño dahil ang pagkakaalam niya ay isang tao lamang dapat ang chairman at administrator ng SBMA. Kung dalawang tao, mahihirapan na magtrabaho ang isa kung walang ibang gagawin ang isa kundi kontrahin ito.
Ipinarating na daw ni Diño ang sitwasyong ito kay Duterte nang magkita sila sa Malacanang.
Kung hindi umano maiiwasan na may italagang administrator sa SBMA ay ayos lang kay Diño pero sana ay ang Pangulo man lang daw ang mag-appoint.
Halata naman na hindi kursonada ni Diño itong si Escolango na nasabit na umano sa ilang kontrobersya sa SBMA bago pa ang panahon ni Duterte.