HANGGANG ngayon pala ay hindi pa rin tumitigil sa kanyang bisyo ang isang kilalang male personality. Hindi naman katokhang-tokhang ang kanyang pinagkakaabalahang bisyo, pero mas matindi pa nga ang epekto nu’n sa kanyang kabuhayan, dahil panipis na nang panipis ang kanyang kaban.
Kumapal ang bulsa ng nasabing male personality dahil sa dami ng kanyang mga raket, kaliwa’t kanan ang pinagkakakitaan niya nu’n, pero ang lahat nga ay may katapusan.
Kuwento ng aming source, “Halos gabi-gabi siyang nagka-casino nu’n, kilalang-kilala na siya sa mga lugar na pinagsusugalan niya. High roller siya, ubos kung ubos ang laban niya.
“Kapag mucho siya, natural, masaya siyang umuwi, pero kapag olat na olat ang lolo n’yo, nagta-taxi na lang siya. Kasi nga, pati ang sasakyan niya, e, ipineprenda na niya sa pasugalan!
“Huwag siyang magdedenay, sa totoo lang, dahil ‘yung itsura niya, e, hindi puwedeng itago sa kahon, kilalang-kilala siya ng mga driver ng syukab na sinasakyan niya pauwi kapag salat na salat na ang bulsa niya!” napapailing na kuwento ng impormante.
Numipis na ang pinagkukunan ng biyaya ng male personality, wala na kasi siya sa posisyon ngayon, kaya ang naipon niyang milyunan ang natotodas ngayon dahil hindi pa rin siya naglulubay sa pagsusugal.
“Naku, nandu’n pa rin siya, hindi pa rin siya humihinto. Ang malaking pagkakaiba lang, e, medyo naghihinay-hinay na siya sa pagtaya ngayon dahil wala na siyang masyadong raket.
“Kasi naman, masyado siyang nagpakapaboloso, samantalang kung tutuusin, e, saan ba naman siya nanggaling? Nag-ipon na lang sana siya nu’ng kasagsagan ng mga raket niya, para hindi na siya bumalik sa pinanggalingan niya!
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan n’yo pa ba ng clue para matumbok n’yo kung sino ang tumutumbok sa ating kuwento? Waley na!” pagtatapos nga ming source.