INAASAHANG tataas ang tsansa ng AMA Online Education na makamit ang una nitong franchise semifinals sa pagpapalakas ng koponan sa pag-angkin sa top pick ng 2016 PBA D-League Draft sa Disyembre 20 sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig City.
Kaya naman hindi na nagdadalawang isip pa si coach Mark Herrera kung sino ang kanyang kukunin sa nakalista sa 128-man pool.
“We’re sure that Jeron Teng will be our first pick,” sabi nito tungkol sa La Salle player na tinulungan ang Green Archers makuha ang UAAP Season 79 men’s basketball title at tinanghal na Finals MVP.
Sakaling mapunta si Teng sa Titans, mabubuo nito ang deadly duo dahil makakasama nito ang double-double machine na si Jay-R Taganas para pangunahan ang koponan ngayong season.
Ang Tanduay, ang runner-up ng Foundation Cup, ay pipili na ikalawa, kasunod ang Racal. Ang Aspirants’ Cup runner-up na Café France naman ay pipili sa ikaapat na pick at ang Wangs Basketball ay ikalima.
Ang bagong salta na Cignal, Jose Rizal University, Manuel L. Quezon University at Province of Batangas ay lalahok naman sa isang lottery sa mismong draft day para madesisyunan ang kanilang puwesto ng pagpili sa naturang draft.
Dahil guest team ay hindi kasali ang Blustar Malaysia na makapili sa draft proceedings.
Mayroong 113 local born at 15 Fil-foreigners ang kuwalipikado na mapili sa draft.
Ang 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ay sisimulan sa Enero 19.