Bakit napaiyak si Justice Secretary Aguirre?

TINANGGAL sa kanyang puwesto at nilipat sa ibang lugar si Chief Insp. Jovie Espenido, chief of police ng Albuera, Leyte, na idinawit ng confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.
Si Espenido ay inilipat sa Ozamiz City sa Mindanao.
Si Espenido, ani Kerwin, ay naging tulay niya kay Ronnie Dayan, diumano’y bagman at lover ni Sen. Leila de Lima.
Kung paniniwalaan natin si Kerwin, itong si Espenido ay bantay-salakay.
Si Espenido raw ay protektor ng mga Espinosa sa kanilang illicit drug trade.
At upang maitago ang kanyang masamang gawain ay nandamay siya ng mga inosenteng tao, gaya ni Ormoc City Mayor Richard Gomez at Leyte Congressman Vicente “Ching” Veloso.
May mga ulat akong natanggap na kapani-paniwala na itong si Espenido pa raw ang promotor ng droga sa kanyang jurisdiction.
Kung gayon, bakit sa Ozamiz City itinapon si Espenido at hindi sa Sulu o Basilan, ang mga lugar na tapunan ng mga abusadong pulis?
***
Hindi makikialam si Pangulong Digong sa paglilitis ng korte sa mga pulis na pumatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ang lider ng mga sumalvage kay Mayor Espinosa ay si Supt. Marvin Marcos, dating chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Eastern Visayas.
Saka na lang papasok si Digong kapag sina Marcos at ang kanyang mga alipores ay nasentensiyahan na ng korte.
Bibigyan ng pardon ni Digong ang mga pulis.
But until then, wala siyang magawa kundi hintayin ang sentensiya ng korte sa mga pulis.
Kung ako naman ang judge na hahawak sa kaso at alam kong sina Marcos ay may ginawang murder, patatagalin ko ang paglilitis hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Digong at saka ko ibababa ang kanilang sentensiya.
Paano mapapardon ni Digong ang mga pulis kung hindi na siya Presidente?
***
Napaiyak si Justice Secretary Vitaliano Aguirre habang sinasalaysay ni Wally Sombero ang pangongotong nina Associate Immigration Commissioners Al Arogosino at Mike Robles sa Chinese online gaming operator na si Jack Lam.
Hindi makapaniwala si Aguirre na gagawin nina Argosino at Robles ang mangotong dahil siya ang nagrekomenda kay Pangulong Duterte na ilagay sila sa kanilang puwesto.
Ang Bureau of Immigration ay sakop ng Department of Justice.
Natanggap diumano nina Argosino at Robles ang halagang P50 milyon kay Sombero na naging messenger ni Lam.
Humingi ng ganoong halaga ang dalawang immigration commissioners upang mapalaya ang 600 sa 1,316 Chinese na empleyado ni Lam sa kanyang Fontana Resort na walang working visa.
Di raw tinupad ng dalawa ang usapan, ibig sabihin ay nang-estafa pa!
Mga hayok daw sa pera ang dalawang commissioners dahil matapos maibigay sa kanila ang P50 milyon ay humingi pa raw ng karagdagang P100 milyon!
Ani Sombero hindi na nagbigay si Lam.
Ang payoff ay naganap sa second floor ng City of Dreams hotel and casino kung saan tadtad ang lugar ng CCTV camera from all sides.
At ang hindi alam nina Robles at Argosino, si Wally ay dating pulis at ni-record ang kanilang pag-uusap.
Bakit napaiyak si Aguirre?
Dahil sina Argosino at Robles ay mga miyembro ng Lex Talionis fraternity na ang mga prominenteng kasapi ay sina Aguirre at Pangulong Digong.
Ang Lex Talionis ay fraternity ng mga law students ng San Beda College of Law kung saan nagtapos sina Aguirre at Presidente.

Read more...