KUNG si Solenn Heussaff ang masusunod, dalawang anak lang daw ang gusto niya – isang babae at isang lalaki.
Pero mabilis niyang sinabi na hindi pa raw siya handang magbuntis sa ngayon, bukod daw sa sobrang hectic ng schedule niya ay mas gusto niyang ibigay muna ang kanyang atensiyon sa kanyang asawang si Nico Bolzico.
Sey ni Solenn na napapanood gabi-gabi sa GMA fantasy series na Encantadia bilang fairy queen na si Cassiopeia, baka raw tatlong taon pa ang palilipasin niya bago siya magpabuntis kay Nico.
“Maybe, kapag 33 na ako, 30 pa lang ako ngayon. So, mga three years pa ang hihintayin namin, tsaka wala namang choice ang asawa ko, katawan ko ito, ‘no!” natatawang chika ni Solenn sa isang panayam.
Sey pa ng Kapuso TV host-actress, baka raw titigil lang siya sa showbiz kapag pregnant na siya.
Nagpapasalamat din ang aktres dahil suportado siya ng kanyang mister sa lahat ng kanyang mga ginagawa at handa raw itong maghintay kung kailan siya handang magka-baby.
Samantala, mas gusto pala ni Solenn na mag-Pasko dito sa Pilipinas kesa sa France. Favorite raw kasi niya ang Noche Buena rito.
Pranses ang tatay ni Solenn habang Pinay naman ang kanyang ina. Nakailang Pasko na siya sa ibang bansa, pero aniya, ibang-iba pa rin ang Christmas sa Pinas, “May snow pero walang masyadong lights sa ibang bansa. ‘Yun ang gusto ko rito, mahilig tayong mag-decorate, September pa lang, feel na feel mo na agad ang Pasko. You hear Christmas songs on the radio, sa bawat kanto may Christmas lights kaya you really feel the joy and spirit.”
Dagdag pa ni Solenn, tuwing Pasko ay talagang bonding sila ng kanyang pamilya at may exchange gifts din daw sila. Ang kanyang ina at kapatid na si Erwan Heussaff ang madalas magluto tuwing Noche Buena.
“We always have cheese, caviar and ham, pinaka-favorite ko yung ham kapag Pasko,” chika pa ng aktres.
Actually, marami raw ang nag-aakala na vegetarian siya dahil nga sa kanyang super fit and sexy bod, pero sey ni Solenn, isa rin siyang certified meat lover. Kaya nga nu’ng alukin siya ng CDO Premium para maging celebrity endorser ng Holiday Ham, agad siyang umoo dahil nga matagal na niyang favorite ang nasabing produkto.
“I’m happy to endorse a product na talagang ginagamit o kinakain ko. I don’t like naman lokohin ang mga tao na ine-endorse ko ang isang product tapos makikita nila iba naman ang ginagamit ko. Sa totoo lang, I really like tocino, bacon and ham, pero gusto ko ‘yung authentic, I hate extenders,” paliwanag pa ng bagong Holiday Ham endorser.
Nagbigay pa siya ng tip sa lahat ng mga bibili ng ham ngayong Pasko, “Look for the net marks sa actual ham hindi lang sa packaging o sa mga ads. Only whole-meat hams can be smoked in ham nets and we know that whole-meat ham ang best choice.”
Ayon naman sa mga taong nasa likod ng Holiday Ham, hindi sila nahirapang kumbinsihin si Solenn para maging brand ambassador ng kanilang produkto dahil ham lover nga ang aktres. Wala rin daw kaarte-arte sa katawan ang Kapuso TV host kaya naging madali ang paggawa nila ng bagong TV commercial para sa Holiday Ham ng CDO.
Dahil nahihilig na rin si Solenn sa pagluluto tulad ng kanyang kapatid na si Erwan, gusto niyang matuto ng mga bagong recipe using Holiday Ham by CDO Premium, “Mahilig na akong magluto ngayon at ako talaga ang namimili ng mga grocery. Never akong nagpabili sa iba. Mas maganda ang preparation kapag ikaw ang talaga ang pumili ng pagkain mo.”
Dugtong pa ni Solenn, “When I’m not working, mas gusto kong magpahinga, nasa bahay lang, nagpi-paint or nagluluto.”
Bukod sa Encantadia, napapanood din si Solenn sa food and travel show na Trip Pinas at Taste Buddies with Rhian Ramos sa GMA News TV.