Foton Tornadoes puntirya ang 2016 PSL Grand Prix crown

Laro Ngayon
(Philsports Arena)
5 p.m. Foton vs Petron

MATAPOS itakas ang emosyonal na come-from-behind panalo sa Game One, puntirya ng Foton Tornadoes ang titulo sa pagsagupa nito sa Petron Tri-Activ Spikers sa Game Two ng 2016 Asics Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix best-of-three finals ngayon sa Philsports Arena, Pasig City.

Magsisimula ang aksyon ganap na alas-5 ng hapon kung saan pipilitin ng Tornadoes na masungkit ang ikalawang diretsong korona sa import-flavored na kumperensiyang suportado ng PLDT Home Ultera, Mueller, Mikasa, Senoh at Grand Sport katuwang ang TV5 bilang official broadcast partner.

Sa pangunguna ni reigning Most Valuable Player Lindsay Stalzer, bumangon ang Foton buhat sa dalawang set na pagkakalubog bago inagaw ang 20-25, 21-25, 25-22, 25-17, 15-9 pagwawagi sa Petron Huwebes ng gabi sa Game One ng kanilang finals series na iniisponsoran ng Focus Athletics, KLab Cyscorpions, Foton, F2 Logistics at Petron.

Umiskor si Stalzer ng 30 puntos bukod pa sa 26 spikes at tatlong blocks para tulungan ang koponan na maitakas ang   panalo sa laro na inabot ng dalawang oras at 31 minuto at pinanood ng 1,998 volleyball fans.

Tumulong din ang katambal nitong import na si Ariel Usher na may 19 puntos mula sa kanyang 16 kills at 13 digs.

Isang panalo na lang ang kailangan ng Tornadoes upang muling magkampeon at  muling maging representante ng bansa sa AVC Women’s Club Championships sa gagawin sa Kazakhstan sa susunod na taon.

Nag-ambag din si Jaja Santiago ng pitong puntos gayundin ang kapatid nito na si Dindin Santiago-Manabat na may dalawang block at Ivy Perez na may limang service ace para sa tig-anim na puntos.

May apat na puntos si Maika Ortiz habang tatlo kay Angeli Araneta at dalawa kay Rhea Dimaculangan na kapwa service ace.

Pinangunahan naman ni Stephanie Niemer, na nakainitan ni Stalzer sa labanan bago ang kampeonato, ang Tri-Activ Spikers sa itinala nitong 32 puntos habang may tig-10 sina Serena Warner at Frances Molina.

Samantala, inuwi ng F2 Logistics Cargo Movers ang ikatlong puwesto matapos magpakatatag kontra RC Cola-Army Lady Trooperes sa laban na inabot din ng matira-matibay na limang set bago nailusot ang 25-13, 25-20, 20-25, 20-25, 18-16 panalo.

Matinding pukpukan ang naganap kung saan nakauna ang Cargo Movers sa pagwawagi sa unang dalawang sets sa impresibong laro nina import Hayley Spelman na may 26 puntos at walo ni Sydney Kemper.

Gayunman,  hindi sumuko ang Lady Troopers sa sumunod na dalawang sets sa tulong nina Jovelyn Gonzaga at import Kierra Holst na nagpakawa ng kaliwa’t kanang crosscourt hits para maitabla ang iskor sa 2-2.

Naging mahigpitan lalo ang fifth set kung saan nagtabla pa ang iskor sa 8-all. Nagawang lumayo ng Cargo Movers sa 11-8 bunsod ng off-the-block hit ni opposite hitter Kim Dy subalit nakabalik agad ang Lady Troopers para muling maitabla ang iskor sa 14-all at panghuli sa 16-all.

Isang quick attack ang pina­kawalan ni Mika Reyes, na may siyam na puntos sa laro, na sinundan ng attack error ni Holst ang naging daan upang tuluyang makuha ng F2 Logistics ang panalo.

Read more...