Pagbagsak ng career ni Kris leksyon para sa lahat ng mga artista

kris aquino

SA ISANG malaking umpukan ng mga manunulat ay naging sentrong paksa ang naging kapalaran ni Kris Aquino ngayong 2016. Hanggang ngayon kasi ay marami pa ring nawiwindang sa nangyari sa kanyang career.

Okey lang sana kung hindi isang posteng tulad niya ang sangkot sa indulto, pero si Kris Aquino siya, na namayagpag nang mahigit na dalawang dekada sa telebisyon.

“Akalain mo ‘yun? Parang ang layu-layong mangyari sa kanya ang ganito, pero heto na nga ‘yun, e! Totoong-totoo na! Nawalan siya ng home studio, nawala siya sa network na talagang pinagreynahan niya nang mahabang panahon!” komento ng isang kapwa namin manunulat.

At sabihin mang kung tutuusi’y hindi na kailangang magtrabaho pa ni Kris dahil sa sobra-sobra niyang kayamanan ay hindi ‘yun ang argumento. Gustung-gusto niyang nasa harapan siya ng mga camera, iba pa rin ‘yung may pumapasok sa kanyang kaban ng yaman at hindi puro palabas lang, kaya maraming nalulungkot sa kinahinatnan niya.

Sa kahuli-hulihan ay nagkaisa ang lahat sa umpukan na walang garantiya ang buhay ng mga artista, anumang oras ay puwede silang mawala sa gitna ng laban, tulad ni Kris na para lang hindi siya makalimutan ay nagkakasya na lang ngayon sa kanyang mga digital shows.

Sino nga ba ang mag-aakala na mangyayari pala sa kanya ang ganito? Malaking leksiyon ang naganap sa career ni Kris Aquino para sa lahat ng mga artista.

Komento pa ng isa sa umpukan, “Lalo na para sa mga artistang hindi pa man sumisikat, e, nalalaos na dahil sa kanilang ugali. Alikabok na lang talaga sila ngayon!”

Read more...