TIYAK na manggagalaiti sa galit ang Pangulong Digong kapag nalaman niya ang ginawa ng dalawa niyang “brods” sa Lex Taleonis na ngayon ay mga immigration commissioners.
Ang Lex Taleonis ay fraternity ng mga law students ng San Beda College of Law kung saan nagtapos ng abogasya si Mano Digong.
Ang dalawang immigration commissioners, na naluklok sa kanilang puwesto nang maupo si Pangulong Duterte, ay nangikil ng P50 million kay online gaming operator Jack Lam.
Ang nagbigay ng pera sa kanila para kay Lam ay si Wally Sombero, isang retired police colonel.
Ang P50 million ay kapalit daw ng pagpapakawala ng 600 sa 1,316 Mainland Chinese na mga empleyado ni Lam sa Fontana Resort na walang mga working visa.
Hindi tinupad ng dalawang commissioners ang usapan.
Inihantulad ni Sombero ang dalawang commissioners sa mga “sugapang pulis” nang kinikilan nila si Lam.
Si Sombero ay nasa protective custody ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Matapos mabigyan ni Lam ang dalawa ng P50 million, humirit pa sila at humingi pa ng isang daang milyong piso, pero pumalag na si Lam,” ani Sombero sa akin.
Si Lam, ani Sombero, ay humiram ng pera sa junket office ng City of Dreams Hotel and Casino
Ang halaga ay binigay sa dalawang tranches: P20 million muna at pagkatapos ay P30 million.
Ang mga halaga ay binigay noong Nov. 27 sa pagitan ng alas dos ng madaling araw at alas sais.
Ang hindi alam ng dalawang tangang commissioners ay ang lugar kung saan binigay sa kanila ang P50 million ay maraming CCTV cameras
At dahil sa katangahan ng dalawa, hindi nila alam na ni-record ni Sombero ang paguusap nila.
Hindi rin alam ng dalawa na si retired police general Charles Calima, chief ng intelligence division ng Bureau of Immigration, ay nakamonitor sa transaksiyon.
Ipinaalam kasi ni Sombero kay Calima ang pangingikil ng dalawang commissioners kay Lam.
Ang panghihingi ng malaking pera ng dalawang commissioners kay Lam ang dahilan kung bakit sinamahan ni Wally Sombero si Jack Lam kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Hindi lang maderetso ni Sombero na kinikikilan si Lam ng dalawang commissioners.
Kaya’t ang sinabi ni Sombero kay Secretary Aguirre ay kailangan ni Lam ng “ninong.”
Hindi naintindihan ng justice secretary sina Sombero at Lam kaya’t inakala niya na sinusuhulan siya upang pakawalan ang mga Chinese nationals.
Hindi makikialam si Pangulong Digong sa judicial process sa pagsasampa ng murder case sa mga pulis na sangkot sa diumano’y pagsasalvage kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Sinabi ni Mano Digong na pinaniniwalaan niya ang pahayag ng mga pulis na nanlaban si Espinosa kaya’t siya’y binaril sa loob ng kanyang selda sa sub-provincial jail ng Baybay, Leyte.
Kaya’t sabi ng Pangulo ay hindi siya papayag na makulong ang mga ito.
Pero hindi niya pakikialaman ang pagsasampa ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong multiple murder sa mga pulis at ang paglilitis sa kanila sa korte.
Saka lang papasok si Digong kapag sila’y nahatulan na sa kasong murder.
Ang gagawin ni Digong ay bibigyan ang mga ito ng absolute pardon.
Ang tinurang yun ni Digong na hindi siya papayag na makukulong ang mga pulis ay magkakaroon ng ripple effect sa mga abusadong pulis.
Baka sabihin ng mga pulis na “open city” na ang administrasyon ni Pangulong Duterte para sa mga abusadong pulis.
Baka kaliwa’t kanan ang pang-aabuso ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa mga mamamayan.
Kapag nagkagayon, dadami ang mamumundok upang sumali New People’s Army (NPA).
Matatandaan na lumaki ang hanay ng NPA noong panahon ng Pangulong Marcos dahil sa pang-aabuso ng mga militar at pulisya sa mga sibilyan.