Ayaw nang mag-DH sa Kuwait, nag-prosti na lang

MINSAN nababago ang buong pagkatao at plano ng ating mga OFW kapag nasisilaw na sa kinang ng dolyar o mas malaking halaga kahit pa kapalit niyan ay ilegal na mga gawain.

Ang dati-rating mahinhin at hindi halos makabasag-pinggan sa Pilipinas, parang ibong nakalaya mula kaniyang kulungan. Sabi nga ng ilang mga nagmamasid, tuluyan nang nawawala sa sarili at nagwawala na nga ang mga ito. Sa pananamit pa lamang, halos ibuyangyang na ang dating mga pinakatatago-tago at halos wala nang hiya pang natitira upang ipakita ang lahat-lahat sa kanila.

Talagang pinaghahandaan ng ilan nating mga Pinay OFW ito. Bawat linggo, bawat day-off, todo-porma sila upang ipangalandakan sa kanilang kapwa OFW ang seksing mga kasuotan at pangangatawan.

Mayroon pa ngang hindi na kakain ng ilang araw pa bago ang kanilang day-off para talagang kainggitan siya ng mga kaibigan.

Bukod pa riyan, may mga kababayan din tayong patuloy na manghihikayat sa ilan nating Pinay na huwag nang pagtiyagaan pa ang pagiging domestic helper gayung meron namang mas mabilis na paraan na pwedeng pagkakitaan. Ang lagi pang kinakatwiran, hindi pa masyadong hirap pero malaki pa rin ang kapalit na halaga ang kita.

Tulad na lamang ng kaso ng isang Pinay sa Kuwait, dati siyang tagalinis ng mga apartment doon ngunit sa bandang huli, pinili niyang pasukin na rin ang daigdig ng prostitusyon.

May mga ibang pumapasok sa ganitong ilegal na gawain na may mga manager o handler upang sila ang maghahanap at magbibigay ng kliyente ngunit kahati sa kanilang kikitain o di kaya’t hihingi ng ilang porsiyento bilang kita niya.

Sa kaso ng Pinay na ito sa Kuwait, siya mismo ang direktang humahanap ng kaniyang kliyente at nakikipag-usap ng kaniyang presyo.

Ayon sa mga awtoridad ng Kuwait, matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa operasyon ng naturang Pinay, tinutukan nila ito ng ilang araw at nahuli sa aktong nag-aalok ng kaniyang serbisyo sa isang Arabo kung kaya’t kaagad nilang dinampot ito.

Napag-alamang 50 Kuwait dinar kada oras ang kaniyang singil. Kung ipapalit ito sa piso sa halagang P162.80 kada 1 Kwd, nasa P8,140 ang singil niya bawat oras.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Kuwaiti police ang Pinay na ito pati na ang kostumer niya.

Hindi siya nag-iisa na pumasok sa ganitong klase ng ilegal na gawain. Marami ang patuloy pa ring nasisilaw sa malaking alok ng salapi kapalit ng pagkakasangkot sa prostitusyon, droga atbp.

Huwag sanang hayaan ng ating mga kababayang lamunin sila ng maruming sistemang ito sa pag-aakalang hindi naman sila mahuhuli dahil marami din namin kasi umanong ang gumagawa noon.
Kung trabaho ang dahilan ng inyong pag-aabroad, magtrabaho nang matino, tapusin ang kontrata at bumalik ng Pilipinas nang walang naiko-kompromiso.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM, mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail:bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...