NAKAPAG-UWI agad ang isang lady thrower mula Davao City sa unang medalya ng Team Pilipinas sa pagsisimula ng labanan ng 9th BIMP-EAGA (Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines-East Asian Growth Area) Friendship Games nitong Huwebes sa Samarinda, East Kalimantan, Indonesia.
Nagkasya ang 20-anyos na si Irish Marquez sa tanso sa javelin throw sa naabot nitong distansiya na 34.44 metro sa Stadion Madya Sempaja upang pasimulan ang kampanya ng bansa sa kada dalawang taong torneo na isinagawa sa unang pagkakataon sa kabisera ng East Kalimantan sa isla ng Borneo.
“This was my first time to compete in an international event. With more proper training and equipment, I believe I can do better next time,” sabi ni Marquez.
Ang tagumpay ni Marquez, na 3rd year criminology student sa Holy Cross of Davao College, ang pinakamagandang ipinakita ng delegasyon ng bansa sa anim na araw na torneo.
Maganda rin na pasimula ang panalo ni Marquez para sa pagod na delegasyon ng bansa na nagbiyahe ng ilang oras pagdating sa Indonesia patungo sa pinaggaganapan na lugar ng mga kompetisyon.
Dumating ang atleta at opisyal ng Pilipinas sa dalawang grupo, kung saan nauna ang Davao City contingent sa siyudad na katabi lamang ng Mahakam River Huwebes ng tanghali habang ang grupo mula sa Palawan ay huling dumating matapos ang isang oras.
Kahit hindi pa nakakapagpahinga, agad sumabak ang Philippine delegation sa opening ceremonies kinagabihan sa Sempaja Convention Hall.
Bagaman pagod, optimistiko pa rin ang 110-kataong Philippine delegation sa pamumuno ni chef de mission PSC Commissioner Charles Maxey na nakatira sa Selyca Mulia Hotel.
Sasabak ang Pilipinas sa athletics, archery, lawn tennis, table tennis, sepak takraw, badminton, basketball, beach volleyball at karatedo.
Kabuuang 11 sports disciplines ang paglalabanan sa torneo.