Vice Ganda kay Kris: Ok pa rin kami, iba kasi ang love namin para sa isa’t isa!

KRIS AQUINO AT VICE GANDA

KRIS AQUINO AT VICE GANDA

INAMIN ng Unkabogable Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda na madalas silang hindi nagkakasundo ng kanyang “asawang” si Kris Aquino tungkol sa ilang mga bagay-bagay pero never daw silang nag-away nang bonggang-bongga.

Kaya hindi raw totoo na nagtampo o naimbiyerna siya kay Kris nang una nitong pinanood ang pelikula ni Vic Sotto na “Enteng Kabisote 10” kasama si Maine Mendoza.

Kasabay kasing nag-open ng “EK 10” ang pelikula ni Vice na “The Super Parental Guardians” kasama si Coco Martin sa mga sinehan noong Nov. 30.

Sa pa-thanksgiving presscon ni Vice sa ilang miyembro ng entertainment media kamakailan para sa tagumpay ng “SPG” sa takilya, sinabi ng TV host-comedian na hindi ganu’n kababaw ang relasyon nila ng Queen of All Media.

“Alam n’yo nu’ng nangyari ‘yun, after nilang lumabas (ni Maine sa sinehan), nag-text siya sa akin, kasi nga, mayroon nga kaming movie date. Eh, tumatawag siya, hindi ko siya nasasagot. Tapos, nagte-text siya, hindi ko rin siya nasagot right away.

“Tapos sabi niya, ‘you’re ignoring me,’ tapos sabi ko, ‘no, asawa, ang dami lang ganap kasi ngaragan.’

Sabi ko, ‘sorry, hindi kita nasagot agad.’ Tapos sabi niya, ‘if you don’t want to see us du’n sa date natin, I would understand,’ sabi niyang ganu’n.

“Sabi ko, ‘ay asawa, wala tayong ganu’n, no! Hindi ganu’n ang relasyon natin, no! Hindi naman tayo nagsisimula at natatapos sa trabaho. Hindi tayo ganu’n,” depensa ni Vice.

Dugtong pa nito, “Iba ang samahan namin kasi ni Kris. Iba ang love namin. Ever since, di ba, lagi ngang sinasabi na ako nagpapaimpluwensiya kay Kris, si Kris nagpapa-impluwensiya sa akin.

“No, hindi ganu’n. Hindi namin sinasaklawan ang isa’t isa sa lahat ng gusto naming gawin.

“Maraming pagkakataon na hindi kami nagkakasundo but we respect ‘yung mga differences naming dalawa. At saka, right niya ‘yun, ano? Sobra. Kung ako rin naman mabibigyan ng pagkakataon, bakit naman hindi? Gusto ko rin namang magkaroon ng kasamang iba. Mas maganda na marami tayong kaibigan,” aniya pa.

Last Monday, natuloy din ang movie date nila ni Kris, sa Trinoma sila nanood ng “SPG” kasama sina Joshua and Bimby. Sabi ni Vice, talagang na-miss raw nila ni Kris ang isa’t isa, pati na rin ang dalawang anak nito.

“Kasi ang tagal naming hindi talaga nagkikita. Tele-telepono na lang. Kasi, nakikita ko ‘yung mga pictures niya, fresh siya, saka payat siya, kaya gusto ko siyang makita. Ang ganda niya kaya kanina.

Masaya, masaya kaming nagharutan lang at magkatabi kami du’n.

“Tapos, si Bimby rin, miss na miss ko, saka si Josh. Si Bimby, tawa nang tawa. Kaya sabi ni Kris, ‘in fairness sa ‘yo, ha, tinatawanan ka talaga ni Bimby. May crowd ka talagang sosyal,’ sabi niya,” kuwento ni Vice.

Read more...