Relasyong James-Nadine totoong-totoo, hindi dinadaya o niloloko ang mga fans

nadine lustre at james reid

NATUTUTUKAN namin ang Till I Met You nina James Reid at Nadine Lustre. Natural kasi ang dating sa amin ng kanilang pagganap, parang wala lang, parang nasa kusina lang sila ng kanilang bahay kung umarte.

Hindi sila OA, pero naman, kapag nagtitinginan na sila ay ramdam mo ang pagtawid ng damdamin nila sa isa’t isa. Sa likod at harap ng mga camera ay alam mong hindi nila dinadaya ang publiko.

Napakatotoo nila, hindi nila basta pinaaasa lang ang kanilang mga tagahanga, kung ano ang nakikita natin sa kanila ay ‘yun na ‘yun.

Sa ilang huling episodes ng serye na napanood namin ay nakulong sa isang isla sina James at Nadine, pero sa pagkapadpad nila du’n ay mas nakilala nila ang isa’t isa, nakakaaliw ang kunwari’y kasal nila na ginanap sa kahuyan.

Ewan, pero sa lahat ng mga kabataang personalidad ngayon ay ibang-iba ang husay ni Nadine, lalo na kapag namumuo na ang luha sa kanyang mga mata. Iba siyang tumitig, napakasinsero, kaya siguro ganu’n na lang din ang pagtatangi sa kanya ni James Reid.

At sa ilang tagpo nila sa isla ay napansin namin sa eksenang malambing silang sumasayaw kahit walang tugtog na ang ganda-gandang tingnan ng mga kuko ng dalaga.

Malinis, magaganda ang hubog ng daliri ni Nadine Lustre, ‘yun siguro ang dahilan kung bakit siya ang tagapag-endorso ng Nails.Glow.

Tama ang desisyon nina Mr. & Mrs. Ferdie and AJ Opena na kunin ang serbisyo ni Nadine para sa kanilang negosyo-produkto na meron na pala ngayon sa halos lahat ng lugar sa buong bansa.

Read more...