Balikbayan tuwang-tuwa sa ginawa ni Alden sa eroplano

alden-richards

NAKAKATUWANG marinig ang mga salita ng papuri ng ating mga kababayan kay Alden Richards. Ang naturalesa talaga ng tao ay lumulutang kahit saan at kahit kailan.

‘Yun na kasi talaga siya, ‘yun na ang natural niyang ugali, kaya walang pinipiling tao at pagkakataon ang magandang kalooban.

Nakasabay ni Alden sa flight nu’ng minsan ang isang balikbayan naming kaibigan. Kilala na nito si Alden sa pangalan dahil mga tagahanga ng Pambansang Bae ang kanyang mga pamangkin dito sa Pilipinas.

Mula sa economy ay tumawid ang aming kaibigan sa business class, hindi pa natutulog si Alden, nakikinig lang ng music sa kanyang dala-dalang gadget.

“Sumenyas ako sa kanya na magpapa-picture ako sa kanya, agad siyang tumayo, tinanggal ang earphones niya. Umakbay pa nga siya sa akin, tinanong niya kung saan ako nakatira sa Pilipinas.

“E, sinabi kong taga-Laguna ako, kaya ang saya-saya niya, magkababayan daw pala kami, magkalayo nga lang ang bayan namin dahil taga-Los Baños ako.

“Naku, nu’ng ikuwento ko ang nangyari sa mga pamangkin ko, tuwang-tuwa sila! Ganu’n daw talaga si Alden, walang kayabang-yabang kahit sikat na, napakabit daw!” kuwento ng aming kaibigan.

Ang mga ganu’ng kuwento ay bumibiyahe nang milya-milya, ikukuwento ‘yun ng lumapit sa kanya para magparetrato, ikukuwento naman ‘yun ng pinagkuwentuhan ng mismong nakasama ni Alden sa biyahe.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit maraming pumupuri sa aktor, ‘yun din ang dahilan kung bakit napakaraming nagmamahal sa kanya, sinusuklian lang ni Alden Richards ang matinding suporta sa kanya ng ating mga kababayan.

Read more...