‘Kabisera’ ni Ate Guy hahakot daw ng awards sa 2016 MMFF

 

HINIKAYAT ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang madlang pipol na suportahan ang walong pelikulang kalahok sa 2016 Metro Manila Film Festival.

Si Ate Guy ang bida sa MMFF entry na “Kabisera”, ang kanyang comeback movie sa taunang filmfest na aniya’y isang pelikulang makabuluhan at punumpuno ng aral.

Ayon sa award-winning and iconic actress, sobrang excited siya sa pagsisimula ng MMFF sa darating na Dec. 25, “Medyo matagal-tagal na rin kasi tayong walang entry sa filmfest kaya nakakatuwa at nakaka-inspire uli na napasama uli tayo.”

Ang kuwento ng “Kabisera” ay hango sa true events na naganap sa isang lugar sa Batangas. Maraming trahedya na nangyari sa kabuuan ng kuwento kaya yun ang dapat n’yong abangan, sabi ni Ate Guy.

Samantala, inirekomenda rin ng Superstar sa lahat ng Pinoy na panoorin ang lahat ng entries sa 2016 MMFF ngayong darating na Pasko dahil ito raw ang pagbabalik ng mga quality Tagalog films sa mga sinehan.

“Dapat lang talagang i-promote ang mga pelikulang kasali ngayong taon sa MMFFdahil sila lang ang nagkalakas loob na piliin ang mga pelikulang may kalidad,” sey pa ni Ate Guy sa isang panayam.

Nang matanong kung ano ang komento ni Nora sa mga nagsasabi na hindi masyadong kikita ang mga kalahok sa filmfest ngayong taon dahil halos puro indie movies ang nakapasok sa Magic 8 na bago nga raw sa panlasa ng mga sumusuporta sa MMFF taun-taon.

“Nirerespeto natin ang mga sinasabi ng ibang tao, may kanya-kanya naman tayong opinyon. Hindi naman natin maiaalis na may mga negatibong sasabihin.

“Pero sabi ko nga sa mga nagdaang taon puro ganu’n na lang ang napapanood ng mga kababayan natin sa MMFF. Siguro naman tama lang na piliing mabuti ang mga pelikulang kasali lalo na yung mga magbibigay ng aral at inspirasyon sa mga tao lalo na sa mga kabataan,” sabi pa ni Ate Guy.

Makakasama rin sa “Kabisera” sina Ricky Davao, Jason Abalos, JC de Vera, Kiko Matos, Victor Neri, Ces Quesada, Ronwaldo Martin (kapatid ni Coco), Perla Bautista at marami pang iba, sa direksyon ni Real Florido at Boy Agustin. Ito ay sa produksyon ng Firestarters ni RJ Agustin na kasali rin sa cast.

Showing na sa Dec. 25 ang “Kabisera” sa mga sinehan bilang bahagi ng 2016 MMFF. Hinuhulaan naman ng marami na ito ang hahakot ng major awards sa gabi ng parangal.

Read more...