Pagbitiw ni Robredo tama lang

MABUTI’T nakahalata si Vice President Leni Robredo na hindi na siya kailangan sa administrasyon ni Pangulong Digong.

Sa kanyang maagang pagbitiw, nabigyan ang Pangulo ng panahon upang makapaghanap ng kapalit niya bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), the highest policy-making body for housing.

Marami rin namang sing-galing ni Leni—o mas magaling pa sa kanya—bilang housing czar.

‘Ika nga, nobody is indispensable.

Ang kanyang pagbatikos sa kampanya laban sa droga ng Pangulo at ang pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay nalagay si Robredo sa alanganing puwesto sa Duterte administration.

Ang isang Cabinet official ay kaakibat ng Pangulo sa ano mang isyu kahit gaano man ito ka-controversial.

Kung hindi maipagtanggol ni Robredo ang Pangulo sa kanyang kampanya laban sa droga at paglibing kay Marcos bilang bayani, dapat ay tumahimik na lang siya.

Nakalulungkot ang pag-alis ni Robredo sa Gabinete dahil siya’y sweet sa mata ng Pangulo at ang kanyang kagandahan ay nagbibigay
inspirasyon kay Digong.
***
Tingnan mo na lang itong si Sen. Alan Peter Cayetano na vice presidential candidate ni Pangulong Digong noong nakaraang eleksiyon.

Malaki ang pagtutol ni Cayetano sa paglibing ni Marcos sa “Libingan.”

Very vocal si Cayetano bago magdesisyon si Pangulong Digong na bigyan si Marcos ng hero’s burial.

Siya ang nagsabi na dapat baguhin ang pangalan ng sementeryo sa “Libingan ng mga Bayani at Diktador.”

Pero nang magdesisyon na si Mano Digong na bigyan ng hero’s burial si Marcos, hindi na kumibo si Cayetano.

Si Cayetano ay hindi miyembro ng Gabinete—not yet, anyway—pero ginagalang niya ang desisyon ng kanyang kaalyado.

Bakit hindi nagawa ni Robredo na magsawalang-kibo na lang, tutal nandiyan na yan.

Besides, siya’y isang miyembro ng Gabinete na dapat ipagtanggol ang desisyon ng Pangulo, at kung hindi niya magawang ipagtanggol ay dapat magsa-walang kibo na lang.

Maganda naman ang ginawa ni Robredo nang siya’y nagbitiw.

Pangit sa isang opisyal na nakabababa na batikusin ang kanyang boss sa publiko.
***
Matagal ding dinadaya ng online gaming operator na si Jack Lam ang gobiyerno ng bilyon-bilyong piso sa mga buwis na kita niya sa casino.

Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre lang ang nakapag-utos na i-raid ang kanyang casino sa Clark Economic Zone na iligal ang operasyon.

Tinanggihan ni Aguirre ang suhol na Lam kapalit ng proteksiyon nito sa iligal na casino.

It would be interesting to know kung sino ang nagpoprotekta kay Lam noong mga nakaraang administrasyon.
***
Si Lam ay nagtatago na matapos nagbigay ng direktiba ang Pangulo na siya’y arestuhin dahil sa tangkang pagsuhol at economic sabotage dahil sa hindi pagbayad ng napakalaking halaga na buwis.

Nakalipad na raw si Lam sa Hong Kong.

Kung hindi naman siya babalik, eh di magaling dahil puwede nang i-take over ng gobiyerno ang kanyang P2.5 billion Fontana Leisure Parks and Casino sa loob ng Clark.

Mas malaking mawawala kay Lam kung hindi siya babalik sa Pilipinas upang harapin ang kaso niya.

Read more...