CHED Chair Licuanan bawal na ring dumalo sa pulong ng Gabinete

 

INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Commission on Higher Education (CHED) Chair Patricia Licuanan na huwag nang dumalo sa mga pulong ng Gabinete.
Kinumpirma ni Licuanan na nakatanggap din siya ng text message mula kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr. kung saan ipinasasabi niya ang direktiba ni Duterte.
“I assured Sec. Evasco that I would comply. In the meantime, I will continue my work as Chairperson of the Commission on Higher Education,” sabi ni Licuanan.
Nakatakda namang magpulong ang Gabinete ngayong alas-2 ng hapon.

Matatandaang sinabi ni Vice President Leni Robredo na nakatanggap siya ng text mula kay Evasco kung saan ipinapasabi sa kanya ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go na hindi na siya pinadadalo ng pulong ng Gabinete.
Itinalaga si Licuanan ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kung saan hanggang 2018 pa dapat ang kanyang termino.
Bago maupo noong Hunyo, inihayag ni Duterte ang pagtatalaga kay Jose David Lapuz bilang bagong CHED chair.

Read more...