Phoenix Fuel Masters naka-2 sunod na panalo

IPINAGPATULOY ng Phoenix Fuel Masters ang mainit na paglalaro sa itinalang tambakang panalo kontra Mahindra Floodbuster, 114-104, tungo sa pagsungkit ng ikalawang sunod na panalo sa 2016-17 PBA Philippine Cup elimination round kahapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Matapos na gulatin ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen noong Miyerkules, itinuloy ng Fuel Masters ang kanilang nakuhang momentum para umangat sa 2-1 kartada at ihatid ang Floodbuster sa 0-3 record.

Subalit nakatikim din ang Phoenix ng matinding sindak sa ikaapat na yugto nang ang kanilang 30-puntos na kalamangan, 105-75, na naitala sa 9:08 marka mula sa two-hand slam ni JC Intal, ay matapyas sa siyam na puntos, 111-102, may 46.3 segundo ang nalalabi sa laro.

Nagawa naman magpakatatag ng mga bataan ni Phoenix coach Ariel Vanguardia para mapanatili ang kalamangan at mauwi ang panalo bagamat ikinagalit nito ang pagiging pabaya ng koponan patungo sa krusyal na bahagi ng laro.

“I wasn’t too happy with the way we ended this game, and that shouldn’t be the case,” sabi ni Vanguardia matapos na magsagawa ang Floodbuster ng 27-6 ratsada para makalapit. “We should be attacking and playing defense.”

Si Intal ay gumawa ng game-high 24 puntos para sa Phoenix na nilakipan pa niya ng pitong rebound, apat na assist at dalawang shotblock habang ang rookie na si Matthew Wright ay nagdagdag ng 21 puntos, 15 mula sa 3-point area.

Pinangunahan ni Alex Mallari ang Mahindra sa itinalang 19 puntos habang si Philip Paniamogan ay nag-ambag ng 15 puntos.

Read more...