Veteran actor kinalimutan na ang pagiging barumbado at manyak

 

KAILANGAN nang bantayan ng isang nagkakaedad nang male perso-nality ang kanyang emosyon. Kung dati’y puwede pa ang pagiging magagalitin niya, ngayon ay kaila-ngan na niyang magtimpi, dahil siya ang malalagay sa alanganin.

Dati kasi, uminit lang ang kanyang ulo ay naghahamon na siya agad ng away, walang nakapipigil sa kanya, bukod sa pisikal na siya ay napakasakit pang magsalita ng aktor, kabog pa niya ang babae.

At kapag umaandar ang pag-init ng kanyang karburador ay nakagagawa siya ng mga aksiyon na ikinagagalit ng kanyang mga kasamahang babae, napagbibintangan siyang maelya, lumiliit tuloy ang kanyang mundo.

Pero sa paglipas ng panahon ay nagbabago ang tao, nauuntog siya sa pader ng katotohanan na mali ang kanyang mga pinaggagagawa, kaya masaya na ang kanyang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Ibang-iba na siya ngayon, hindi na mainitin ang ulo niya, hindi na siya kailangang sumailalim sa anger management. Kontrolado na ni ____ (pa-ngalan ng nagkakaedad nang male personality) ang emotion niya ngayon.

“Kung maliliit lang namang bagay, e, napalalampas na niya, tinatawanan na lang niya ‘yun ngayon, dahil alam niya na kapag nagpaapekto siya, e, siya rin naman ang talo.

“Hindi na rin siya maarte ngayon sa set, alam niya na maraming puwedeng pumalit sa kanya, hindi na siya makuwenta sa oras nga-yon. Dati kasi, isang eksena na lang ang kukunan, e, wala siyang pakialam kapag dumating na ang cut-off niya.

“Wala siyang pakialam sa pakiusap ng direktor at ng produksiyon, aalis siya kahit ano’ng mangyari. Ngayon, isinasarado niya na ang sequence, hindi na siya nagrereklamo, nagbago na nga ang dating mahirap kausaping aktor!” kuwento ng aming source.

Ay, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilala n’yo kung sino ang nagkakaedad nang aktor na ito. Palagi siyang kontrabida sa mga pelikula, nakakabuwisit siya, lalo na kapag humahalakhak na siya na parang wala nang bukas pang darating!

Read more...