SUMANDAL ang De La Salle University kay Jeron Teng sa mga huling krusyal na sandali ng mahigpit na laban kontra karibal na Ateneo de Manila University upang itakas ang 67-65 panalo sa Game One ng kanilang best-of-three finals series at lumapit sa UAAP Season 79 men’s basketball title sa harap ng mahigit 16,000 naka-asul at berdeng madla sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ipinasok ni Teng ang mahalagang layup para kunin ng Green Archers ang abante, 66-65, may 15.1 segundo pang nalalabi sa laro bago ang ginawang pag-block kay Aaron Black sa sumunod na play ng Blue Eagles.
May tsansa pa sanang magwagi ang Ateneo, nang hindi makumpleto ni Kib Montalbo ang kanyang free throws sa huling 3.3 segundo, subalit malakas ang tira ni Adrian Wong na tuluyang nagselyo upang kunin ng La Salle ang 1-0 series lead at ang pagkakataong maiuwi ang ika-9 na korona ng koponan sa Game 2 sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan ni Ben Mbala ang Archers na nagtala ng team-high 20 puntos kasama ang 15 rebounds habang nagtulong para sa pinagsamang 22 markers si Teng at Aljun Melecio, na naghulog ng mahahalagang tira sa tuwing lumalapit ang Ateneo.
Maagang ipinakita ng La Salle ang kanilang ‘mayhem basketball’ kung saan nagawa pa nitong lumamang ng hanggang 15 puntos ngunit unti-unting naibalik ng Eagles ang kanilang tikas at itabla ang iskor, 52-all, sa pagtatapos ng third quarter.
Subalit sa pagsisimula ng huling yugto ay agad na bumomba ng 7-0 run ang Archers pero hindi nawalan ng kumpiyansa ang Ateneo at nakipagsagutan ng baskets sa likod ni Mike Nieto na nagbigay sa Ateneo ng 65-64 agwat sa huling 34.6 segundo, na siya ring tanging naging kalamangan ng koponan sa buong laro bago buhatin ni Teng ang La Salle sa tagumpay.
MOST READ
LATEST STORIES