PSL Grand Prix championship duel asam ng Foton, Petron

Mga Laro Ngayon
(Ibalong Centrum for Recreation)
10 a.m. Foton vs RC Cola-Army
3 p.m. Cignal vs Generika
5 p.m. Petron vs F2 Logistics

SELYUHAN ang muling paghaharap sa kampeonato ang hangarin ng Foton Tornadoes at Petron Tri-Activ Spikers sa pagsagupa sa magkahiwalay na kalaban sa sudden-death semifinals ngayon ng 2016 Asics Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City, Albay.

Sasagupain ng Tornadoes sa ganap na alas-10 ng umaga ang RC Cola-Army Lady Troopers habang makakaharap ng Tri-Activ Spikers ang mapanganib na F2 Logistics Cargo Movers sa tampok na laro sa ganap na alas-5 ng hapon.

Una munang tatapusin ng Cignal HD Spikers at Generika Lifesavers ang kanilang kampanya sa pagkikita sa classification round para sa ikalima at ikaanim na puwesto sa ikalawang laro ganap na alas-3 ng hapon.

Pinapaboran ang Tornadoes na bitbit ang Serbian coach na si Moro Branislav na nagpahayag na ang semis mismo ang “tunay na giyera” kung saan ilalabas ng koponan ang buo nitong lakas at ekspiriyensa na nakamit sa pagsabak sa AVC Asian Women’s Club Championship dalawang buwan ang nakalipas.

“We know RC Cola-Army is such a strong team with a lot of experience,” sabi ni Branislav, na asam itulak muli ang Tornadoes pabalik sa Asian Women’s Club Championship na gagawin sa Kazakhstan sa Abril 2017.

“We have to be at our best. This is the real battle and we can’t afford to lose this one. This is a game where we have to show our championship form,” sabi pa nito habang inamin na gagamitin nito muli ang starting roster na sina Maika Ortiz at Dindin Manabat sa middle, imports Ariel Usher at Lindsay Stalzer sa open at Jaja Santiago sa opposite habang ang beterano na si Rhea Dimaculangan ang setter.

Gayunman, inaasahang malalasap nito ang matinding hamon mula sa Lady Troopers na nagnanais makabalik sa finals matapos na mapatalsik sa All-Filipino Conference. Huling nagawa ng Lady Troopers sa kanilang huling laban na itulak sa matira-matibay na ikalimang set.

Sinandigan ng RC Cola-Army ang import na si Kierra Holst na naghulog ng 24 puntos habang humugot ng dagdag na lakas mula kina Jovelyn Gonzaga at Honey Royse Tubino, na nagtala ng 17 at 16 puntos.

Ito rin ang inaasahan sa pagitan ng Petron at All-Filipino Conference champion F2 Logistics.

Dinomina ng Petron ang F2 Logistics sa dalawang laro sa preliminaries subalit naiba ang laro ng Cargo Movers sa pagdating nina imports Sydney Kemper at Hayley Spelman pati na rin sa tulong nina Ara Galang, Mika Reyes, Cha Cruz at Aby Maraño.

Read more...