MAGANDANG araw po sa Aksyon Line. Dati po akong account executive ng isang malaking advertising agency. Noong October 15 ay napilitan akong mag resign sa trabaho dahil sa magaspang na ugali ng aking boss o superior. Nagpunta po ako sa office para mangumusta at matiyak na makuha ang aking 13th month pay. Pero sabi ng accounting ay hindi ko na raw makukuha ang aking 13th month pay. May
apat na taon din ako na nagtrabaho sa kumpanya bilang regular employee.
Tama po ba na huwag ko na lang habulin ang aking 13th month pay o karapatan ko lamang po na makuha ito? At ano ang dapat kong gawin sakaling entitled naman ako sa 13th month subalit ayaw lamang ibigay?
Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin. Sobrang nalilito ako at hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Salamat po at lubos na umaasa na agad na masasagot ang aking katanungan
Evangeline Cruz
Karuhatan,
Valenzuela City
REPLY: Para sa iyong katanungan Ms Evangeline Cruz, ang lahat ng empleyado ay entitled sa 13th month pay.
Ang iyong kaso ay pro-rated dahil hanggang October ka lamang nagtrabaho.
Gusto rin sana namin na malaman kung nakapag clearance ka na ba? O baka may liabilities pa sa office na kailangang ayusin kaya hindi mo makuha ang iyong 13th month pay?
Ngunit kung wala naman ay karapatan mo lamang na kunin ang iyong 13th month pay kahit nag-resign ka na sa iyong trabaho.
Sakaling hindi ipagkaloob ay maaari mong ireklamo ang iyong dating employer.
Alinsunod na rin sa Presidential Decree (PD 851) o 13th month pay law na ang lahat ng manggagawa ay dapat lamang na makatanggap ng 13th month pay regular man o maging contractual.
Ang lahat ng emloyers ay obligadong magkaloob sa kanilang rank-and -file employees kahit ano pa man ang posisyon o trabaho ng mga ito basta nakapag trabaho ng kahit na isang buwan lamang ng calendar year.
Ang 13th month ay katumbas ng 1/12th ng basic pay na natatanggap ng empleyado ng loob ng isang taon.
Labor
Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.