AS of this writing ay waiting ang buong Team ng “Die Beautiful” sa ibibigay na rating ng MTRCB sa pelikula.
Kahapon ay tinanong namin ang line producer nitong si Omar Sortijas kung ano ang MTRCB rating ng pelikula ni Paolo Ballesteros na kasama sa 2016 MMFF, ang sagot sa amin, “Wala pa po nare-release na rating, waiting pa kami.”
Pero masaya na rin sila dahil rated PG (Parental Guidance) naman ang trailer ng “Die Beautiful” na idinirek ni Jun Lana kaya napapanood na ito sa mga sinehan, telebisyon at social media. At least puwede pa rin daw itong mapanood ng mga bata na may gabay ng magulang.
Pakiramdam namin ay puwedeng PG-13 ang “Die Beautiful” dahil comedy naman ito base na rin sa trailer na napanood namin.
Excited na si Paolo sa showing ng “Die Beautiful” sa Dec. 25, inamin niya na isa sa mga wish niya ngayong Pasko ang mapasama sa MMFF bukod pa sa planong pagdating ng anak niyang kasalukuyang nasa ibang bansa.
“Sana nga matuloy ang uwi nila (kasama ang nanay),” saad ni Paolo sa nakaraang presscon ng “Enteng Kabisote 10”.
Samantala, diretso naman kaming tinanong kung papayag ba kaming mapanood ng anak naming edad 13 ang “Die Beautiful”, ang sagot namin, “Siya ang mamimili hindi namin siya pipigilan dahil lagi rin naman siyang nanonood ng mga pelikula ni Vice Ganda, e, ano ba pagkakaiba no’n na parehong gay movie.”