TAGUM City, Davao del Norte — Nagtala ng mga bagong record sa athletics sina Samantha Gem Limos ng Cebu City at Veruel Verdadero ng Dasmariñas City sa heats ng 200m dash sa ginaganap na 2016 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy (PNYG-BP) National Championships sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex dito.
Itinala ni Limos ang record sa 13-15 girls 200m sa unang heat sa tiyempong 26.05 (1.5 wind velocity) upang alisin ang dating marka ni Joycie Beronio ng Negros Occidental na 26.36 segundo na kanyang nagawa noong 2014 Bacolod national finals.
Tinabunan naman ni Verdadero ang sariling rekord sa boys 13-15 sa isinumiteng 23.01 segundo na mas mabilis sa kanyang dating rekord na 23.23 segundo noong nakaraang taon.
Gayunman, nabigo si Limos idepensa ang kanyang titulo habang inuwi ni Verdadero ang ikaapat niyang ginto sa pagtatanggol sa korona sa 200m sa photo finish na labanan na natala sa oras na 23.29 segundo upang tanghalin bilang “most bemedalled athlete sa athletics.”
“Pinupulikat na po kasi ako at pumipitk na mga muscles ko kaya hindi na ako pinatakbo ni coach sa 4×400,” sabi ng 15-anyos na Grade 9 sa Immaculate Concepcion Academy sa Cavite. “Bale tatlong run po kasi ako sa heats, semis at finals ng 100m tapos ganoon din sa 200m, 400m at 4×1 at 4×4.”
Inagaw naman ni Angel Ann Pranisa ng Negros Occidental Province ang ginto sa girls 13-15 200m sa itinala nito na 26.16 segundo. Ikalawa at ikatlo sina Rizal Jane Valente ng Bohol Province (26.40) at Limos (26.42). Tanging nagwagi ng ginto si Limos sa 100m.
Nagtala rin si Vincent Vinmar ng Bulacan ng bagong meet record sa 2-km walk 13-15 boys sa oras na 10:58.01 na tumabon sa dating rekord na 11:18.9 na isinumite ni Jay Vincent Manalote ng Iligan noong nakaraang taon sa Cebu.
Ang iba pa ay sa 16-17 age category na 32.21 segundo ni Maryland Torres ng Bago City; ang 26.00 segundo ni Palaro 400m champion Jessel Lumapas ng Dasmariñas City sa 200m at si Sheila Talja ng Aklan na tumalon ng layong 5.61 metro para magwagi sa long jump.
Maliban sa pinakabagong rekord dahil sa pagdagdag na kategorya sa edad, ilang dating rekord ang nabura sa tampok na sports na swimming pati na sa papaangat na weightlifting.
Dalawa rito ang binura ng nag-uwi ng limang ginto sa swimming na si Maenard Batnag ng Baguio City na itinala ang bagong rekord sa 11-12 boys 200m butterfly sa 2:30.07 oras. Tinabunan nito ang dating rekord ni Kenji Arguzon ng Dasmariñas na 2:30.38 na itinala noong 2014 national finals sa Bacolod.
Ikalawa sa binura ni Batnag ang 11-12 boys backstroke record sa itinala na 1:08.88 na tumabon sa dating standard na 1:09.19 na itinala ni Seth Martin ng Quezon City noong 2014 sa Bacolod.
Nabura rin ang rekord sa girls 11-12 200m freestyle matapos itala ni Janella Alisa Lin ng BDAG ang mas mabilis na oras na 2:18.17 upang tabunan ang dating rekord na 2:20.52 na itinala ni Aubrey Sheian Bermejo ng Iligan City noong 2015 Cebu Batang Pinoy Finals.
Ang mga pinakabagong rekord dahil sa dagdag sa age category ay ang 200m boys 11-12 4×50 medley relay sa oras na 2:14.39s na itinala nina Blue Cablete, Eryk John Omandam, Kuiper Von Leybag at Alteddy James Sumaoy ng Davao del Norte Province at ang 200m girls 11-12 4×50 medley relay sa oras na 2:17.71 na itinala nina Natalie Mendoza, Mary Sophia Manantan, Maglia Jaye Dignadice at Janine Carbonell.
Samantala, nagtala rin ng meet rekord sa weightlifting si Shydijean D. Tormis ng Midsalip, Zamboanga del Sur na iniuwi ang ginto sa 28 to 32kg girls sa binuhat na 27kg sa snatch at 36 sa clean and jerk para sa kabuuang 63kg na nabuhat.
Nangunguna na sa overall medal standings ang Cebu City matapos na magtipon ng kabuuang 30 ginto, 15 pilak at 15 tanso para sa kabuuang 60 medalya. Dumausdos sa ikalawang puwesto ang Zamboanga City na may 24 ginto, 13 pilak at 12 tanso para kabuuang 49 medalya habang ikatlo ang Davao City na may 19 ginto, 27 pilak at 22 tanso para sa kabuuang 68 medalya.
Ikaapat ang Baguio City na may naiuwing 19 ginto, 13 pilak at 12 tanso para sa kabuuang 44 medalya at ikalima ang General Santos City na may nakolekta na 11 ginto, 13 pilak at 10 tanso para sa kabuuang 44 medalya.