Pagsusumikap sa abroad para sa anak nabalewala

KAHIT ano pa at paano ito sabihin ng isang OFW, pamilya ang pangunahing dahilan nang pangingibang bayan ng isang OFW.

Kaya naman halos ikamatay ni Erlinda Cagalitan, OFW sa Bahrain ang balitang napatay ang kaniyang 2-anyos na anak dahil sa bugbog ng live-in partner ng kaniyang pinsang si Sarah.

Sa panayam ng Bantay OCW Sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM, napag-alaman naming personal na nakiramay si Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nang magtungo ito sa Davao kung saan dumating na rin doon si Erlinda.

Ayon kay Cacdac, ang tiyahin ni Erlinda ang siyang nag-aalaga sa bata ngunit nang araw na iyon, umalis ang naturang tiyahin at ipinakisuyo muna ang pangangalaga nito sa pinsan niyang si Sarah at naroroon din ang live in partner nito na si Ronilo.

Umihi diumano ang bata sa kama at dahil sa inis ni Ronilo, binugbog niya ang bata na siyang ikinamatay nito.

Umamin naman ang suspek sa naturang krimen at hindi rin ‘anya siya makapaniwala na nagawa niya iyon sa bata.

Nagpaabot naman ng tulong ang OWWA at inabot ni Cacdac ang P50,000 cash assistance pati na rin ang karagdagang pinansiyal na tulong ng Coalition of Licensed Agencies for Domestic Service, Inc.

Sabi pa ni Cacdac, bukod sa cash assistance, makatatanggap din ang pamilya ng scholarship grant para sa iba pang mga anak ni Erlinda.

Palibhasa’y taga Davao din si Erlinda at totoo namang malapit sa puso ni Pangulong Duterte ang ating mga OFW kung kaya’t personal niyang ipinangako na mabibigyan ‘anya ng katarungan ang pagkamatay ng kaniyang anak.

Ano pa nga ba ang saysay ng pangingibang bayan ng isang OFW kung wala nang dahilan pa upang manatili sa abroad at patuloy na magtrabaho doon.

Ito ang masakit na katotohanang hindi basta matatalikuran ng isang OFW lalo pa’t wala na ang pinaglalaanan ng lahat niyang paghihirap at pagsusumakit
sa paghahanap buhay sa ibayong dagat.

Read more...