Baguio swimmer naka-5 ginto sa 2016 Batang Pinoy National Championship

TAGUM City, Davao Del Norte — Kinolekta ni Maenard Batnag ang ikalimang gintong medalya Miyerkules para iuwi ang pagiging “most bemedaled athlete” ng ginaganap dito na Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Championships sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex.

Ang 12-anyos mula Baguio City ay nagwagi muli sa boys’ 12-under 100m butterfly at 200m individual medley upang idagdag sa kanyang napanalunang ginto sa 200m backstroke, 100m freestyle at 100m backstroke.

Naorasan si Batnag ng isang minuto at 6.76 segundo sa 100m butterfly upang talunin sina Andre Geronimo ng Tanauan City (1:09.59) at Leonardo Dalman III ng Dipolog City (1:09.86).

Sunod na nagwagi ang Grade 7 sa Baguio City National High School sa 200m individual medley sa 2:31:08 tiyempo na pitong segundo na mabilis sa nag-uwi ng pilak na si Jake Ellis Evangelista ng Batangas City (2:38.11) at Philip Miguel Mendoza ng Laguna (2:38.53).

“Sinubukan ko po mag-swimming para makapagbawas ng weight. Hindi ko po inaasahan na magwagi ng ginto dito sa Batang Pinoy,” sabi lamang ni Batnag.

Nakasungkit naman ng ginto sina Christian Paul Anor ng Banganga, Davao Oriental at Matthieu Adrien Tao ng Davao City sa pagtatapos kahapon ng kompetisyon sa swimming.

Matapos magwagi sa boys’ 13-17 200m backstroke, 100m freestyle at 100m backstroke sa unang araw ay idinagdag ng 17-anyos na si Anor ang ginto sa 50m backstroke habang si Tao, na nanguna para sa Davao sa 4x50m relay title, ay nagwagi sa 50m, 100m at 200m freestyle sa boys’ 12 and under category.

Nagwagi si Mark Jiron Rotoni mula Quezon City ng tatlong ginto (100m breaststroke, 200m individual medley at 200m breaststroke) sa boys’ 13-17 class habang si Janelle Alisa Lin ay dinomina ang 200m individual medley, 200m freestyle at 200m backstroke sa girls’ 12-under category.

Read more...