Macway pasok sa semis

DUMAAN muna sa butas ng karayom ang defending champion Macway Travel Club bago naungusan ang Wang’s Ballclub, 100-99, sa isang makapigil-hiningang sagupaan sa 2016 MBL Open basketball tournament sa EAC Sports Center sa Ermita, Manila.
Nanguna ang mga dating PBA stars na sina Larry Rodriguez at Bonbon Custodio na nanalasa kahit sa higpit na depensa ng Wang’s.

Umiskor si Rodriguez ng 23 puntos, habang nag-ambag si Custodio ng 19 puntos para sa Macway, na makakaharap ang top seed Emilio Aguinsldo College sa semis ng kumpetisyon na itinataguyod ng Smart Sports, Ironcon Builders, Bread Story, Dickies Underwear at Gerry’s Grill.
Lima pang players — Pol Santiago, Nino Marquez, Jeff Sanders Mark Fampulme at Dan Natividad — ang nagpakitang gilas para Macway nina consultant Braulio Lim, coach Daniel Martinez at managers Erick at Cathy Kirong.
Subalit ang matibay na depensa sa huling mga segundo ng dikdikang labanan ang naging susi sa panalo ng Macway.
May pagkakaraon pa sana ang Wang’s Ballclub na agawin ang panalo matapos makuha ang bola na may 11 segundo pang natitira, subalit nabigong makatira hanggang matapos ang laban.
Bago ito, na-kumpleto ni Mark Montuano ang isang magarang three-point play mula sa perfectly-executed alley-oop pass ni Cedric Labing-isa para idikit ang iskor, 99-100, may 20 segundo ang nalalabi.
Nagmintis naman ang Macway sa sumunod nitong opensiba kaya nagkaroon ang Wang’s ng tsansa na agawin ang panalo.

Ang dating Mapua mainstay na si Mark Brana ang namuno sa kanyang 22 puntos para sa Wang’s Ballclub nina manager Alex Wang at coach Pablo Lucas.

Read more...