Pondo mula PSC dapat idiretso sa NSA

ANG pondo mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ay dapat na idiretso sa mga national sports associations (NSA) at hindi na kailangan pang dumaan sa Philippine Olympic Committee (POC).
Iyan ang nais ipanukala ni Senator Manny Pacquiao matapos na madinig ang iba-ibang kampo sa hearing sa Senado kahapon.
Sa ganitong paraan, ayon kay Pacquiao, ay maba-bawasan ang impluwensiya ng POC president sa mga NSA.
“What happens is that POC president has control of the NSAs during elections,” sabi ni Pacquiao patungkol na rin sa muling pagkakahalal ni Jose “Peping” Cojuangco bilang presidente ng POC na walang kalaban.
Nais sanang tumakbo ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) Ricky Vargas sa pagkapangulo ng POC pero naharang ito dahil sa “technicalities.”
Nag-init naman ang balitaktakan nang pag-usapan sa Senate committee on sports ang P27 million unliquidated funds na nakuha ng POC mula sa PSC sa pag-host ng bansa sa 2005 Southeast Asian Games.

Nahalungkat din ang hindi pagsuporta ng POC sa “kalabang” asosasyon tulad ng Fessap (Federation of School Sports Association of the Philippines) at maging ang mga gulo sa loob ng swimming at bowling associations.

Tinira rin ni Philippine Swimming League (PSL) president at dating senator Nikki Coseteng si Cojuangco sa pag-ipit nito sa PSL habang pinapaboran ang Philippine Sports Institute.
Kuwento pa ni Coseteng, pumunta ang ilang representative ng POC sa World University Games sa Russia para sabihin na hindi opisyal na delegasyon ng bansa ang mga atletang pinadala doon ng Fessap. Sa palarong iyon nanalo ng gintong medalya si Grandmaster Wesley So sa chess.

Read more...