Apo ni Arroyo, 2 pa timbog sa buy bust operation sa Bacolod City

ARESTADO ang apo ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo at isa pang galing sa isang prominenteng pamilya matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Bacolod City Lunes ng gabi.

Nabaril si Joshua Robert Arroyo sa braso matapos umanong pigilan ang isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na makapasok sa kanyang kuwarto na katabi ng kuwarto ni Manuel “Maui” Huelar Jr., kapitan ng Barangay 35, na siyang target ng operasyon.

Bukod kina Arroyo at Huelar, arestado rin si Christian Joseph Mijares, 20, ng bayan ng Pontevedra, Negros Occidental.

Kasalukuyang nakapiit sa presinto 8 sa Bacolod City ang tatlo habang hinihintay ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

Dating naglaro si Huelar para sa Negros Slashers sa Metropolitan Basketball Association.

Apo si Arroyo ni dating Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo, nakababatang kapatid ni Mike Arroyo.

Sinabi ni PDEA Negros Island regional director Julius Navales na isang ahente ang pumasok sa loob ng isang  inn sa Liroville Subdivision, Barangay Singcang-Airport sa lungsod, ganap na alas-7 ng gabi noong Lunes para bumili ng shabu kay Huelar.

Inaresto si Huelar matapos iabot ang isang pakete ng shabu sa ahente.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng shabu.

Idinagdag ni Navales na tinangka ni Arroyo na pigilan ang mga ahente ng PDEA na pumasok sa kuwarto.

Nagpaputok ang ahente nang maipit ang kanyang kamay sa pintuan, dahilan para tamaan si Arroyo.

Nakumpiska ang dalawang sachet ng shabu at maraming drug paraphernalia mula sa kuwarto ni Arroyo, ayon pa kay Navales.

Read more...