Rookie ng Blackwater napiling Player of the Week

PBA / November 27,2016   Mac Belo of Blackwater drives into Cris Newsome and Cliff Hodge of Meralco  at the Smart Araneta . INQUIRER PHOTO/AUGUST DELA CRUZ

IPINAKITA ni Mac Belo ang kahandaan niya sa pagsabak sa Philippine Basketball Association.
Sa unang linggo pa lamang niya sa liga ay agad na humataw ang rookie forward ng Blackwater para itulak ang koponan sa 2-0 record na siyang franchise-best start ng Elite sa liga.
Ang 6-foot-4 na si Belo ay nag-average ng 21 puntos, 7.5 rebounds at 1.5 steals sa back-to-back win ng Elite laban sa Phoenix at Meralco sa PBA Philippine Cup.
Dahil dito ay napili si Belo bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Tinalo ng dating kamador ng Far Eastern University sa naturang parangal sina three-time PBA MVP June Mar Fajardo at Alex Cabagnot ng San Miguel Beer, Terrence Romeo ng GlobalPort, Ranidel de Ocampo ng TNT, at sina Bradwyn Guinto at Sean Anthony ng NLEX.
Si Belo ay nakuha ng Blackwater sa special draft para sa mga Gilas players.
Gumawa si Belo 17 puntos at siyam na rebounds sa 94-87 panalo ng Blackwater kontra Phoenix noong Miyerkules.
Nitong Linggo, si Belo ay kumulekta ng 25 puntos, anim na rebounds, tatlong steals at dalawang blocks para pangunahan ang Elite sa 86-84 panalo laban sa Bolts.
“Kailangan lang patuloy yung pag-improve namin. Kailangan din patuloy lang magpakundisyon kasi mai-scout din tayo ng ibang teams,” sabi ng 23-anyos na si Belo.

Photo: Inquirer

Read more...