SINABI ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa na posibleng konektado sa teroristang Maute Group ang improvised explosive device (IED) na natagpuan malapit sa United States Embassy sa Maynila.
Sa isang press conference sa Manila Police District (MPD) headquarters, idinagdag ni dela Rosa na may pagkakapareho ang IED na natagpuan sa isang basurahan ilang metro lamang ang layo sa US Embassy sa istilo ng Mauter group.
“Pwede nating i-theorize na pwede nila itong pang-diversion… Design, composition, and the way it is connected, ‘yung ang ibig sabihin ng the same signature,” sabi ni dela Rosa.
Inokupahan noong Sabado ng Maute group ang abandonadong munisipyo at mga gusali at bahay sa Butig, Lanao del Sur.
Idinagdag ni dela Rosa na bahagi ng diversionary tactic ang pagkakadiskubre ng IED.
Nauna nang kinumpirma ng Manila police na magkapareho ang IED na natagpuan malapit sa US Embassy at ang ginamit sa pambobomba sa night market sa Davao City noong Setyembre.
Ayon sa pulisya, itinapon ang package mula sa isang taxi ganap na alas-2 ng umaga bago ito matagpuan ng isang street sweeper ganap na alas-6 ng umaga.
Sinabi pa ni dela Rosa na plano ng PNP na ibalik ang mga checkpoint sa buong bansa matapos itong ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We will ask mall authorities to also heighten security. We may revive checkpoints,” ayon pa kay dela Rosa.
Itinanggi naman ni dela Rosa na gagamitin ang insidente para magdeklara si Duterte ng martial law.
“For God’s sake, the government will not use an incident that will cause panic, fear, and undue harm to declare martial law,” sabi ni dela Rosa. “We won’t use our own people just to cause trouble… Huwag kayong mag-panic. Relax lang tayo… PNP is on top of the situation,” ayon pa kay dela Rosa.