TULAD sa mga nakalipas na relasyon ni Luis Manzano, wala pa ring ibinigay na kumpirmasyon ang Star For All Seasons at Lipa City Rep. Vilma Santos kung si Jessy Mendiola na ang opisyal na girlfriend ng kanyang panganay na anak.
Bagaman naging open na si Luis sa kanyang social media account tungkol sa kanila ni Jessy at gayundin ang sexy star on her recent interviews, basta ang alam lang daw niya masaya ang kanyang anak at si Jessy.
“Mabait naman si Jessy in person. She’s bubbly and young, so, nakikita ko naman masaya sila sa isa’t isa. They’re both mature. Andito lang ako to guide like ‘yung mga bashing issue na ‘yan. I’m here,” pahayag ni Cong. Vi.
Nagbigay din siya ng reaksyon sa mga basher ni Luis na parang hindi raw niya anak ang TV host dahil sa pagpatol nito sa bashers, “In a way, I’m affected too. Kasi parang ang posisyon ng anak ko ngayon, na-push. Alam mo ang ibig kong sabihin? Masyado na siyang na-push.
“Pero kung kilala ninyo ang anak ko, alam ninyo ang puso ni Lucky. Siya tumutulong ‘yan, nagbibigay ‘yan. Ang babaw nga ng luha niyan, e. Kapag may nakita, kahit pera niya, ibibigay pa niya,” saad niya.
At this point, feeling ni Cong. Vi masyado nang na-push si Luis ng mga basher. Kaya parang ang mentality nito, lalaban siya kahit sabihin na overboard na siya.
“Sinasabihan ko rin ang anak ko. Nag-uusap din kami na, ‘Anak, kasi ang bashers, walang pangalan. Pero ikaw may pangalan. Nakalagay sa ‘yo LUIS MANZANO. ‘Yun ang difference. But ‘yun nga, kasi ang katwiran niya sometimes masyado nang napu-push, nababastos. Kailangang sagutin din niya nang tapatan,” sabi ng actress-politician.
Pagpapatuloy pa niya, “Pero sabi ko, ‘May limit din ‘yan, Anak.’ Tine-text ko siya, ‘Enough, Anak. Ang basher, basher. Kahit anong gawin mo, may sasabihin. Sabi ko kung galit ka, control it a little.”
Sa tanong kung tingin ba niya ay si Jessy na ang makakatuluyan ni Luis at magbibigay sa kanya ng unang apo, sabi ni Cong. Vi, “Hindi ko naman sila palaging kasama. Pero nakikita ko masaya ang anak ko, e. Masaya rin naman si Jessy.
“‘Yun lang naman ang importante kasi ang iniisip ko rin, kayo rin pag-isipan ninyo rin, mas worst kung susundin niya ‘yung sinasabi ng lahat na magpakasal ka na, tapos maghihiwalay, ‘di ba? Kung hindi pa siya settled, don’t. Huwag mong ipilit,” sagot ng kongresista.