Jasmine nangako sa LGBT: Nandito ako sa inyo hanggang sa dulo

PINAG-UUSAPAN pa rin hanggang ngayon ang big winner sa katatapos lang na 12th Cinema One Originals Film Festival Awards Night, ang pelikulang “2 Cool 2 Be 4gotten” na idinirek ni Petersen Vargas. Nagkamit ito ng tatlong tropeo, kabilang na ang Best Picture.
Panalo rin ang naturang pelikula ng Best Supporting Actor para sa Hashtag member na si Jameson Blake at Best Cinematography para kay Carlos Mauricio sa awards night na ginanap sa Dolphy Theatre last Sunday.
“Salamat, Kapampangan cinema, na nagbigay oportunidad sa akin na magkwento,” pahayag ni Petersen nang tanggapin nito ang parangal. “It has always been Kapampangan cinema that I’ve been inspired of and inspired by.”
Tampok sa “2 Cool 2 Be 4gotten” ang kwento ni Felix, isang estudyanteng masipag ngunit walang kaibigan na nabago ang buhay nang dumating sa paaralan ang dalawang magkapatid na half-American.
Nag-uwi rin ng tatlong parangal ang “Baka Bukas” ni Samantala Lee, kabilang na ang Best Actress para kay Jasmine Curtis, Best Sound para kay Andrew Milallos, at pati na rin ang Audience Choice Award.
Maluha-luha namang tinaggap ni Jasmine ang kaniyang parangal. Aniya, “Gusto kong mag-shoutout sa lahat ng nanonood sa film namin. Ang dami niyong reviews, at naging sari-sariling critics kayo sa film namin. At para diyan nagpapasalamat kami. At mabuhay ang LGBT community. Nandito ako para sa inyo hanggang sa dulo.”
Samantala, nasungkit naman ng “Lily” ni Keith Deligero ang pinakamaraming parangal, kasama na ang Best Director, Best Editing, Best Actor para kay Rocky Salumbides, at Best Supporting Actress para kay Natileigh Sitoy.
Ang geriatric action film ni Jules Katanyag na “Si Magdalola At Ang Mga Gago” naman ang nakatanggap ng Special Jury Prize.
Sa pagdiriwang ng ika-12 na taon nito, hinahamon ng Cinema One filmfest ang imahinasyon at pananaw ng mga manonood gamit ang tagline na “Anong tingin mo?”

Read more...