Coco Martin di nakatupad ng pangako kay Onyok at Awra: Nalulungkot ako, di makapagsalita

NAIPANGAKO pala ng Teleserye King na si Coco Martin sa dalawang child stars na sina Simon “Onyok” Pineda at McNeal “Awra” Briguela na pang-Metro Manila Film Festival ang pelikula nilang “Super Parental Guidance”.
Kaya talagang speechless siya nang hindi nakapasa sa panlasa ng MMFF screening committee ang kanilang entry, “Nalungkot, hindi ako nakapagsalita,” seryosong sabi ng aktor.
“Kasi, lagi kong sinasabi, everytime na nagmi-meeting kami sa Star Cinema, sabi ko, kahit hindi ako gumawa ng (pelikula) sa isang buong taon, basta makagawa lang ako ng isang filmfest, for filmfest tuwing Kapaskuhan, ‘yun ang talagang gusto kong gawin, bukod sa soap opera sa TV.
“And then, ipinangako ko kasi sa dalawang bata (Awra at Onyok), sabi ko sa kanila, ‘gagawa ako ng filmfest,’ sabi ko, ‘isasama ko kayo.’ Siyempre, tuwang-tuwa ‘yung mga bata..
“Kasi ako dumaan sa pagkabata na lagi kong nilu-look forward pag MMFF, manonood kami ng family ko, bonding ‘yun. Tapos nu’ng napasali ako sa ‘’Feng Shui’’ at ‘’Beauty And The Bestie’’, naramdaman ko yung saya.
“Kasi kapag nagpa-parade ka sa Roxas Boulevard, iba ‘yung pakiramdam na nakikitang nakikipag-interact ka sa tao nang personal, nakikita mong napakasaya nila.
“Tapos alam mo ‘yung (feeling) na may maireregalo ka sa kanila sa Kapaskuhan, lalo na ‘yung ginawa namin ‘yung ‘’Beauty And The Bestie’, tuwang-tuwa yung mga tao na lagpas na ang Pasko, ang saya-saya pa rin nila.
“Nu‘ng binubuo namin ang pelikula, ‘yun ang purpose namin, alam mo na mahirap ang buhay minsan, ang isang pamilya o ang isang tao, ang pinaghahandaan na lang nila ay ‘yung Pasko. At ‘yung Paskong iyon ang time para makapag-bonding sila ng pamilya nila,” mahabang paliwanag ng Primetime King ng ABS-CBN.
Kuwento ni Coco, ang FPJ’’s Ang Probinsyano boys ang orihinal na kasama sa pelikula, pero nu’ng naikuwento niya ito kay Vice Ganda ay nagustuhan agad ng TV host-comedian kaya gusto na nitong sumali at ipinaalam nga raw agad nito sa Star Cinema.
Kaya naging “The Super Parental Guardians” na ang titulo ng pelikula ay dahil silang dalawa nga ang tatayong magulang nina Awra at Onyok sa kuwento.

Read more...