Sina Macoy at Kerwin

HINDI kailangang hugasan ng pagsisisi ang pagnanakaw. Ang taimtim na pagbabalik kay Jesus, lalo na sa bingit ng kamatayan, ay sapat na, na siyang ginawa ni Dimas. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (2 S 5:1-3; Slm 122; Col 1:12-20; Lc 23:35-43) sa dakilang kapistahan sa Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan.
Sina obispo Nebres at Vidal ng nagpakumpisal kay Marcos sa kalubhaan ng kanyang karamdaman, ang huli sa bingit ng kamatayan sa Hawaii noong 1989. Kung inamin at ikinumpisal ni Marcos ang pagnanakaw, tanging ang dalawa lamang ang nakaaalam. Di inihahayag ang laman ng kumpisyonaryo.

Kahit anong laki’t bigat ng kasalanan ay pinatatawad ng Diyos, maging tapat at taus-puso lamang ang pagsisisi at pagbabago. Kaya’t iniutos ng Santo Papa na ang mga pari ay puwede nang tumanggap ng kumpisal ng nagpalaglag (sa mga obispo lamang sila noon maaaring mangumpisal. At di karakaraka ang pagpapatawad).

Si Gloria Arroyo ay inakusahan din ng pagnanakaw; at pandarambong pa. Di pa nililitis ay isinigaw na ng mga madre ang pagnanakaw ni GMA. Tinawag din ni Noynoy si GMA na magnanakaw, at sa SONA pa. Iyon pala, ang napatunayan sa katiwalian ay si Jun Lozada, ang ipinagtanggol ng mga madre at ni Cory.

Hinggil sa torture at salvaging, meron nga niyan noong martial law. Pero, hindi maaaring ibunton ang sisi kay Marcos. Ang katibayan ng bawat torture at salvaging ay wala sa kamay ni Marcos dahil ito’y kagagawan ng mga sundalo ng PC. Hindi pinigilan ni Ramos ang torture at salvaging.

Ang aking boss sa Evening Post ay nanindigan noong 1986 na hindi si Marcos ang nagpapatay kay Ninoy. Sa mga editor na nakapaligid sa kanya noong umagang iyon, ala-1:30, isa lamang ang naniwala sa kanya at ang lahat ay tumango na lamang. Taon 2016, tama si Executive Secretary Juan C. Tuvera (SLN).

Kinimkim ng Kano ang mga kasalanan ni Marcos: di siya nagpadala ng combat troops sa Vietnam noong 1967, di ni-renew ang parity rights, nakipagkaibigan sa Soviet Union at China noong 1975 at nag-apply bilang miyembro ng Group of 77. Rumesbak ang US: di nagbigay ng baril at bala sa AFP sa ilalim ng Mutual Defense Agreement at inintriga ang AFP kaya isinilang ang RAM.

Nakalulungkot na hati ang simbahang Katolika sa Marcos burial. Nakalulungkot na hinusgahan na rin ng ilan si Marcos, gayung ang Diyos lamang ang may tanging kapangyarihan nito. Barabas ang tawag sa ilang pari na namumuhay pa sa panahon ng mga Romano. Ang Banal na Awa ay para sa makasalanan at di sa kanila.

Umamin na ng pagkakasala si Kerwin Espinosa at ang kapatawaran ay abot-kamay na kung lalapit siya sa Diyos, na handang duminig sa kanyang pagsamo. Pero, si Kerwin ay naging drug lord dahil sa proteksyon ng mga pulis. Di ba parurusahan ng batas ang mga pulis? Huwag kang umiyak Bato; trabaho!

Tanaw na ang kabiguan ng gera ni Digong kontra droga sa North Caloocan at Bulacan. Oo nga’t tuloy pa rin ang tumbahan at isinama na ang basurang mga pulis. Sa bawat basurang pulis na itinumba, dalawa ang bumabangon. Ang dalawang drug lord ay nakita pa kamakailan sa Valenzuela at Malolos. Si Digong na lang ang di nakakikilala sa dalawang drug lord.

PANALANGIN: Huwag po sana kaming masiraan ng loob sa di maka-Diyos na panghihikayat sa lipunan ng mga naligaw ng landas. Sa ngalan mo Jesus ay iginagapos namin ang puwersa ng Diyablo. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958): Bumabaha na ang murang laruan na Made in China sa Divisoria. Kasi, simpleng laruan na lang, di pa kayang gumawa ng Pinoy. …5221

Read more...