NATULOY din ang guesting ni Angel Locsin sa anniversary presentation ng gag show na Banana Sundae sa ABS-CBN. Pero tulad ng inaasahan hindi nagkasama sa stage sina Angel at Jessy Mendiola, ang ex at current girlfriend (respectively) ni Luis Manzano.
Komento ng ilang netizens, baka raw talagang hindi sila pinagsama sa isang segment o skit para iwas intriga na lang. May nagsabi rin na baka mismong si Angel na ang nag-request na nito kapalit ng pagpayag niyang umapir sa show.
Sa nakaraang grand presscon ng pelikulang “Mano Po 7: Chinoy” ng Regal Entertainment, nakachika ng ilang reporter si Jessy at isa nga ito sa naitanong sa kanya.
“Sinabi po sa akin na mag-guest po siya doon, natutuwa naman po ako siyempre we need support from other big stars, so dahil pinaunlakan naman niya yung invitation ng ibang co-star ko, kasi part po siya (Angel) ng isang production number ng isa sa mga co-star ko kaya masaya naman po kami na pumayag siya,” aniya.
Bakit hindi sila nagkita sa show? “Iba po kasi yung sa amin, iba rin po ang ka-group ko and magkalayo po kami ng dressing room, sana ‘wag na po sana natin gawin yun, para po happy na lahat ng tao, kasi magkaiba din po yung prods namin eh. Ako kasama ko po si JC de Vera, siya (Angel) iba po yung kasama niya.”
Hirit pa ni Jessy, “Pakiramdam ko naman po okay naman po talaga kami kahit dati pa, I think yung mga fans lang and yung mga hardcore lang na sumusuporta sa kanya or sa akin, sila-sila lang po yung mga nagka-clash.”
Anyway, super excited na raw si Jessy sa nalalapit na showing ng “Mano Po 7” na dapat sana’y magiging official entry sa MMFF 2016 pero nalaglag nga sa listahan ng Magic 8. Sey ng dalaga, ipinagdarasal daw ng buong cast na sana’y suportahan pa rin ng madlang pipol ang kanilang movie kahit hindi na ito kasali sa MMFF.
Showing na ang “Mano Po 7: Chinoy” sa Dec. 14 under the direction of Ian Lorenos. Bibida rin dito sina Richard Yap, Jean Garcia, Enchong Dee, Jake Cuenca, Janella Salvador, Marlo Mortel at marami pang iba.