IBINIGAY na ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) ang ipinangakong P1-milyong pabuya sa nagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng dating boyfriend at driver ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Iniabot ng VACC ang pera sa lalaking nakatakip pa ang ulo na sinasabing nagturo kay Dayan, dahilan para ito maaresto noong Martes sa La Union.
Isinabay naman ang pagbibigay ng pabuya sa pagdinig ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng umano’y operasyon ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Pinangunahan nina Majority Leader Rudy Fariñas, Philippine National Police (PNP) Chied Director General Ronald dela Rosa, at abogadong si Ferdinand Topacio ang pagkakaloob ng pabuya.
Nauna nang nag-alok ang VACC ng P100,000 pabuya para maaresto si Dayan, bagamat itinaas ito sa P1 milyon.