NAGKAKANTIYAWAN kami ng mga kasamahan naming manunulat, kinakabog kasi ng mga kontrobersiya sa mundo ng pulitika ang showbiz, sunud-sunod ang mga pangyayari sa kanilang mundo na sarap na sarap namang pinagpipistahan ngayon ng buong bayan.
Sabi ng isa naming kapwa kolumnista, “Parang nakikisali na lang ang mga artista ngayon sa controversy, post sila nang post, para lang mapag-usapan sila. Hindi na sila ang issue, nakikisawsaw na lang sila!”
Ibinigay na halimbawa ng grupo ang aktibong pakikisali sa lihim na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos ang mga kumokontrang sina Jim Paredes at Leah Navarro, maka-Marcos naman si Gretchen Barretto, patagilid ding nakisali si Kris Aquino sa pamamagitan ng kanyang video blog kapag namatay na raw siya.
At nasundan pa ‘yun ng pagkakadakip kina Kerwin Espinosa at Ronnie Dayan, siguradong madidikdik na naman si Senadora Leila de Lima kapag nagsalita na ang dalawa, kahapon ay isinalang na sa Senado si Kerwin at ngayon naman nakatakdang isalang sa Kongreso si Dayan.
May mga kuwento pa rin naman tungkol sa mga artista, pero kabog na kabog ‘yun ng mga pangyayari sa mundo ng pulitika, naghahalinhinan lang talaga sa pag-iingay ang dalawang mundo na ginagawang pulutan ng publiko.
Pero ang pinakasawsawera sa kanilang lahat ay si Mocha Uson na walang takot maglabas ng kanyang saloobin, mas mahabang panahon pa yata ang ibinibigay ng nagpapaseksing singer sa pulitika, kesa sa kanyang career.