NAKAPANGHIHINAYANG ang naging kapalaran ng magaling na komedyante-singer na si Blakdyak.
Kakaunti ang tulad niya na nakatatawid sa pag-arte at pagkanta.
Pero naging mahina ang kanyang disposisyon, matagal na panahon siyang nanghiram ng lakas ng loob sa droga, palagi siyang nangangako nu’n na titigil na siya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot pero palaging napapako lang ang kanyang mga pangako.
Nu’ng isang gabi ay natagpuan si Blakdyak na wala nang buhay ng kanyang anak sa sarili niyang kuwarto.
Nakabalot ng plastic ang kanyang ulo na pinaghihinalaang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Suffocation ang binanggit na dahilan ng isang otoridad, ang pinag-aaralan lang ngayon ay kung siya ba mismo ang nagbalot nu’n sa kanyang ulo, hindi inaalis ng mga pulis ang teorya ng foul play.
Sayang dahil may mga nagawa nang pelikula si Blakdyak na nagmarka sa publiko, may mga pinasikat na rin siyang piyesa, naging magulo lang ang takbo ng kanyang buhay nitong mga nakaraang taon.
Ang pakikiramay namin sa pamilya ng magaling na singer, kundi man niya naranasan sa mundo ng mga buhay ang kanyang hinahanap, harinawang makita niya ‘yun sa kabilang buhay.
Paalam kay Joseph “Joey” Formaran Amoto.