MAY kaakibat na responsibilidad ang kalayaan.
Malaya tayong mag-post ng kahit ano sa social media, pero dapat nating panindigan at panagutan ang kahihinatnan noon.
May batas na sumasakop sa electronic cyberbullying sa bansa, ang RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012,” pero hindi pa rin tumitigil ang mga “trolls” sa pagpo-post ng mga mahahalay at bastos na comments.
Mas lalo na kapag nasa-abroad ang ating mga kababayan, na kung ano-ano ang pino-post pati mga nakakasirang-puri, dahil sa pag-aakalang hindi na sila sakop ng batas ng Pilipinas.
Ang hindi nila alam ay mas maraming umiiral na mga batas doon upang proteksyunan ang kanilang mga mamamayan laban sa mga pang-aabuso gamit ang internet.
Tulad na lamang ng kasong kinakaharap ng isang Pinoy sa Dubai.
Ipinost niya sa kanyang Instagram ang litrato ng isang pulis na may mapanirang caption.
Aniya, homosexual umano ito at nag-aalok din ng sexual services.
Ang matindi pa, ayon sa report, tinakot niya ang pulis na isasapubliko ang sikreto ng pulis kung hindi magbibigay ng 8,000 UAE Dirham.
Ang lakas naman ng loob ng kabayan nating ito—pulis pa ang tinakot.
Hindi nagbigay ng pera ang pulis kaya itinuloy nito ang kanyang banta na hihiyain ang naturang pulis.
Nang makita ng mga kaibigan ng pulis ang naka-post na litrato nito, agad silang humingi ng tulong sa mga otoridad.
Mabilis na nadakip ang naturang Pinoy at nahatulan ng dalawang taong pagkakakulong.
Matapos niyang pagsilbihan ang kanyang jail term, ipade-deport siya at hindi na muli pang makababalik sa Dubai.
Samantala, dahil sa kagagawan niya ay pinaharap sa Court of Misdemeanor ang ibinuking niyang pulis dahil sa ginawa umano nitong pakikipagtalik sa kapwa lalaki.
Maraming mga kaso ang ating mga kababayan sa abroad ang hindi naman konektado sa kanilang mga trabaho. Ang labis na kasakiman, maling mga paggawi, kahalayan, maling pakikipagrelasyon ang siyang nagtutulak sa kanilang gumawa ng masama at nagiging dahilan ng maraming mga problema na sila mismo ang may kagagawan ngunit maaari sanang maiwasan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.