“TIGILAN na natin ang mabuhay sa sumpa! Magtulungan na lang tayo para sa pagsulong ng bansa,” ang bahagi ng pahayag ni Public Attorneys Office Chief Persida Acosta sa muli nitong pagharap sa mga kaibigan niya sa entertainment press kamakailan.
Isa kasi sa napag-usapan sa naturang pagtitipon ang kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema na mailibing na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
“It’s the Supreme Court’s decision. Highest branch na iyan ng ating legal na departamento. Kahit may iba tayong personal na pananaw, for as long as the rule of law is there, wala tayong magagawa. At bilang isang nag-aaral ng mga batas, nag-i-interpret at nagpapatupad nito, we are all need to follow,” sey pa ng matapang at palaban na PAO Chief.
Medyo naging emosyonal pa ito nang sa isang bahagi ng kanyang pasasalamat ay sinabi nitong baka mag-iba na ang mga get-together events niya kasama ang kanyang media friends dahil sa napipinto niyang pagpasok sa Korte Suprema.
“Kung ako lang, mas gusto ko siyempre sa PAO. Mas masaya, mas nalalapitan ninyo ako at nakakausap,” sey pa nito.
Nakiusap naman itong huwag na lang siyang tanungin tungkol sa isyu kay Sen. Leila de Lima sabay bitaw ng, “Hindi ko naman kasi naranasan ang nangyari sa kanya at ayaw ko rin namang ma-experience yun. Itanong ninyo na lang sa mga bodyguard at driver ko kung anong klaseng boss ako.”
Very qualified si Atty. Acosta sa anumang posisyon sa Korte Suprema. Sa haba ng serbisyo niya sa gobyerno at sa mga klase ng mga kasong hinarap at ipinaglaban niya, sanay at gamay na nga niya ang mga itinatakda ng batas.