UMABOT sa 22 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P110 milyon ang nakumpiska mula sa dalawang katao matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Guadalupe, Makati City kaninang umaga.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na kinukuha ng isa sa mga naarestong suspek ang suplay nito mula sa Chinese national na nakabase sa Hong Kong sa pamamagitan ng tulong mula sa kanyang kasabwat, na isang preso sa maximum security compound New Bilibid Prisons (NBP).
Nakumpiska ang maraming pakete ng shabu mula kay Rosario Echaluce, 38, at kanyang pamangkin na si Angelo, 19, kapwa mula sa Binangonan, Rizal, matapos magbenta ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon sa isang undercover na pulis.
Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabihan ni dela Rosa si Rosario na kilalanin ang kanyang kapareha na nakakulong sa Bilibid.
Ibinulong naman ni Rosario kay dela Rosa ang pangalang “Hilorio Labandero” habang nakatakip ng puting tuwalya ang kanyang mukha.
“‘Yung boyfriend niya, ‘yan ‘yung kumokontak sa Intsik sa Hong Kong. ‘Yung Intsik may tinatawagan sa Pampanga na nagpapa-deliver dito ng shabu,” sabi ni dela Rosa.
Idinagdag ni dela Rosa na nakatakda sanang ideliber sa Cebu ang 22 kilo ng shabu.
“Ang problema may naiwan pa na bata nila sa maximum security compound. Sila na ‘yung kumokontak sa Hong Kong na nagshi-ship sa another Chinese sa Pampanga. ‘Yon ang nagbigay sa mga taong ito,” dagdag ni dela Rosa.
Nagbabala rin si dela Rosa sa kasabwat ni Rosario.
“Kung nasaan ka man ngayon, kung nasa maximum security ka, bantay ka pipitpitin ko leeg mo hangga’t sabihin mo kung nasaan ‘yung Intsik na kausap mo,” aniya.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
P110M halaga ng shabu nakumpiska mula sa 2 suspek sa Makati
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...